Malugod ka naming sinasalubong bilang isang bagong mamamayan sa Denmark
Minamahal na bagong mamamayan
Ang pagsisimula ng panibagong buhay sa panibagong bansa kadalasan ay may kaakibat na malaking abala. Marami kang makikilalang panibagong tao at mga panibagong paraan ng paggawa. Higit sa lahat, ang simula ay magbibigay ng napakaraming pagsubok at maaaring tila walang katapusan.
Ang handbook na ito ay sinadya upang tulungan kang magsimula sa iyong panibagong buhay sa Denmark at gawing mas madali ang iyong pang-araw-araw na pamumuhay. Binabalangkas nito ang lipunang Danish at nagbibigay ng praktikal na impormasyon na maaaring kailanganin mo bilang isang bagong mamamayan sa Denmark.
Mangyari pa, imposibleng makapagbigay ng kumpletong kabuuang-ideya ng lipunang Danish. Gaya ng karamihang bansa, ang Denmark ay isang halo-halong lipunan na binubuo ng maraming iba't-ibang kultura at mga paraan ng pamumuhay.
Sa ganang ito, mahalagang magkasundo ang lipunan tungkol sa ilang pangunahing prinsipyo at batayang altintunin upang matiyak ang indibidwal na karapatan ng mga mamamayan.
Ang Denmark ay isang demokratikong lipunan na nagbibigay ng kalayaan, responsibilidad at patas na oportunidad sa lahat anuman ang kasarian, lahi, kultural na kasaysayan at paraan ng pamumuhay. Ang lahat ay malayang mag-isip, magsalita at isulat ang kanilang nararamdaman, bumuo ng mga samahan, isagawa ang kanilang relihiyon o sundin ang isang alternatibong paraan ng pamumuhay. Ang personal na kalayaan at pagkakapantay-pantay ay mga pangunahing prinsipyo sa lipunang Danish - limitado lang ng pangangailangan na respetuhin ang personal na kalayaan at pagkakapantay-pantay ng ibang tao.
Ang pakikipag-usap at magkatuwang na pagpapasya ay mahalaga sa lahat ng antas ng lipunan. Ang mga mamamayan ay hinihikayat na lumahok sa demokratikong proseso - halimbawa sa iyong munisipal na awtoridad, sa isang partido politikal, sa iyong lokal na tinitirahan, sa isang samahang panlibangan o sa paaralan o nursery ng iyong mga anak.
Sa Denmark, ang lahat, sa abot ng kanilang kakayahan, ay kinakailangan sumuporta sa kanilang mga sarili at mag-ambag sa lipunan - sa edukasyon, trabaho at pagbabayad ng buwis. Sa pamamagitan ng sistema sa pagbubuwis nito, naisasagawa ng lipunan ang ilang kinakailangang gawain at naibibigay sa mga mamamayan nito ang maraming benepisyo at oportunidad. Lahat ng mamamayan ay may karapatan sa libreng edukasyon at sa karamihan ay suportang pinansyal sa panahon ng kanilang pag-aaral. Kahalintulad nito, lahat ng mamamayan ay may karapatan sa libreng gamutang medikal at ospital, at ang matatanda at mga may kapansanan ay may karapatan sa espesyal na tulong sa kanilang araw-araw na pamumuhay. Ang mga mamamayan na may kakayahang magtrabaho ngunit hindi makakita ng trabaho, ay maaaring tumanggap ng tulong para maitaguyod ang sarili upang maipagpatuloy nila ang aktibong pamumuhay sa lalong madaling panahon.
Ang Denmark ay may moderno, ganap na maunlad na ekonomiya at isa sa nangungunang bansa pagdating sa kapaligiran at biotechnology, disenyo at iba pang sektor kung saan ang mga kasanayan at kaalaman ay mahalaga. Ang Denmark ay isang bansa na nagbibigay ng iba't-ibang oportunidad sa sinoman na handang gampanan ang kanyang tungkulin.
Ito ay hamon para sa isa at sa lahat - kapwa sa bago at katutubong Danes - ang mapanatili at mapaunlad ang isang bukas na lipunan na nagbibigay ng kalayaan, progreso at oportunidad. Ang pagkakaiba-iba na dala mo at ng iba pa mula sa labas ay maaaring magdulot ng karagdagang sigla at pinanumbalik na pagbabago.
Sa pag-asa na ikaw ay magiging aktibong kasama sa lipunan na iyong kinabibilangan, mainit ka naming sinasalubong sa Denmark. Good luck sa iyong bagong buhay sa Denmark.
Paano gamitin ang handbook na ito
Ang handbook na ito ay nagtataglay ng impormasyon tungkol sa lipunang Danish at nagbibigay ng praktikal na impormasyon na maaari mong kailanganin bilang isang bagong mamamayan sa Denmark. Ang handbook ay ilalathala sa wikang Danish at sa ilan pang wika upang matiyak na maraming tao hangga't maaari ang makikinabang sa paggamit nito.
Ang Mamamayan sa Denmark ay isang handbook na maaari mong sanggunian kapag kailangan mo ng impormasyon tungkol sa isang partikular na paksa. Ngunit maaari mo rin piliin na basahin ang aklat mula sa harap hanggang sa likod.
Maaari mong gamitin ang index para makita ang iyong hinahanap sa handbook o ang mga keyword na nakalista sa likuran ng aklat.
May ilang salita na markado ng asterisk*. Ibig sabihin nito na matatagpuan mo ang mas detalyadong paliwanag sa salita sa likuran ng aklat.
Ang handbook ay hindi nagbibigay ng kasagutan sa lahat ng bagay. Gayunman, ito ay nagbabangit ng mga website kung saan ang mga awtoridad at iba pang grupo ay nagbibigay ng karagdagang impormasyon at tumutulong sa iyo na matagpuan ang iyong hinahanap. Sa likuran ng aklat ay matatagpuan mo ang maraming praktikal na pang-araw-araw na impormasyon. Panghuli, ang handbook ay nagbibigay ng lista ng mga institusyon at organisasyon na maaaring partikular na nagugustuhan mo bilang isang bagong mamamayan sa Denmark.
Ang mga batas at regulasyon ay patuloy na nagbabago. Sa kadahilanang ito kaya hindi sila ganap na nakasaad, ngunit nakabalangkas lamang sa mga pangkalahatang katawagan o nagbabanggit ng umiiral na batas. Nangangahulugan ito na hindi mo maaaring laging gamitin ang aklat para malaman kung ano ang mga karapatan at tungkulin na mayroon ka. Depende sa uri ng paksa, maaaring kailanganin mong maghanap ng karagdagang impormasyon.
May elektronikong bersyon ng handbook na nakahanda sa www.newtodenmark.dk. Dito ay matatagpuan mo rin ang mga bersyon ng aklat na nai-record sa mga piling wika.
Kung mayroon kang anumang puna sa handbook na ito, malaya kang ipadala ito sa medborgeridanmark@inm.dk. Pag-aaralan namin ang lahat ng puna at suhestiyon kapag ang aklat ay ia-update makalipas ang ilang taon.