8 Pagtatrabaho
Ang karamihan ay nagtatrabaho
Sa Denmark, ang karamihan sa mga tao ay nagtatrabaho. ito ay totoo kapwa para sa kalalakihan at kababaihan.
Ang karamihan ay mga suwelduhang empleyado na nagtatrabaho sa mga pribado o pampublikong kumpanya. Subalit mayroon din malaking self-employed na komunidad sa negosyo na may mga sariling negosyo, restawran, kumpanya o mga gawaing pang-agrikultura.
Pagkakahati-hati ng mga empleyado ayon sa trabaho| Sa Denmark, higit lang ng kaunti sa 2.8 million (2,815,000) katao ang nagtatrabaho. Sila ay nabibilang sa mga sumusunod na gawain: | Porsiyento (pinagsama-sama) |
| Agrikultura, pangingisda at mga hilaw na materyales | 3 |
| Industriya | 16 |
| Kuryente at patubig | 1 |
| Pagtatayo at konstruksyon | 7 |
| Komersyo, mga hotel at restawran | 18 |
| Sasakyan, serbisyo postal, telekomunikasyon | 6 |
| Pananalapi, mga serbisyong pang-negosyo, atbp. | 13 |
| Mga pampubliko at personal na serbisyo | 36 |
| Sa kabuuan | 100,0 |
Labour Market Survey, Statistics Denmark, 2007Paghanap ng trabaho
Bago magsimulang humanap ng trabaho, maaari kang humingi ng payo mula sa isang tagapayo sa mga career sa job center ng iyong munisipal na awtoridad. Kung ikaw ay kasapi ng isang unyon o unemployment fund* (a-kasse), maaari kang humingi ng tulong at payo roon.
Mga job center
Ang pangunahing gawain ng mga job center ay ang tulungan kang makahanap ng trabaho. Dito ka rin nagrerehistro kung wala kang trabaho. Ang mga job center ay may mga PC na maaari mong gamitin para maghanap ng trabaho, at ang mga tauhan sa job center ay tutulong sa iyo sa paghahanda ng plano sa trabaho. Matatagpuan mo ang mga address ng job center sa pag-log sa www.jobnet.dk.
Maraming paraan ng paghanap ng trabaho
Maaari kang aktibong maghanap ng trabaho sa pamamagitan ng:
- Pagpapadala ng mga aplikasyon bilang tugon sa mga ad na trabaho sa pahayagan at mga journal sa kalakalan.
- Magpadala ng mga di-hinihinging aplikasyon sa mga kumpanya kung saan nais mong magtrabaho, o direktang mag-apply sa kumpanya.
- Gamitin ang iyong network ng mga contact na nasa job market na.
- Maghanap ng trabaho sa mga pribadong ahensya sa pagtatrabaho.
- Maghanap ng mga trabaho sa Internet (ang mga library at mga job center ay nagbibigay ng access sa Internet).
- Maglagay ng sariling ad sa pahayagan o sa Internet.
Anu-anong mga kasanayan ang mayroon ka na?
Kung ikaw ay dapat magsimula ng karagdagang pagsasanay o agad na magsimulang humanap ng trabaho ay magdedepende sa iyong mga kasanayan at edad. Kung wala kang pagsasanay, maaari kang magsimula sa paggawa ng trabahong walang kasanayan, maaaring pagkatapos kumuha ng ilang maiikling kurso.
Ang mga kuwalipikasyon ay kinakailangan
Para makahanap ng trabaho sa Denmark, mangangailangan ka ng mga kuwalipikasyon at kasanayan na tumutugma sa mga trabahong mayroon. Maraming trabaho ang nangangailangan ng pang-maikli o matagalang pag-aaral. Halos lahat ng trabaho ay nangangailangan ng mga espesyal na trabaho o kagustuhan na makamit ang mga ito. Ganito rin sa mga trabaho kung saan walang kinakailangang mataas na pinag-aralan, gaya ng paglilinis o pagtatrabaho sa factory, halimbawa, kung saan maaaring kailanganin mong matuto ng maraming gawain sa trabaho. Ang pareho ay totoo kung nais mong magpatakbo ng sariling shop o negosyo.
Mahalagang makapagsimula
Ang iyong unang trabaho ay maaaring hindi ang pangarap mong trabaho at maaaring hindi ganoon kataas ang pasuweldo. Ngunit gayunpaman ay mahalagang makapagsimula ka sa job market. Dahil kapag nagkaroon ka na ng trabaho, mas madali na para sa iyo na mapabuti ang iyong mga kasanayan at mga kuwalipikasyon upang makahanap ka ng mas mabuting trabaho.
Pagsasanay at trabaho
Kung ikaw ay may pinag-aralan at nagsasalita ng Danish, ang iyong pag-asang makahanap ng magandang trabaho ay napakaganda. At sa maraming pagkakataon, ang pagsasalitang mabuti ng Danish pati na rin ng iyong katutubong wika ay magiging kapaki-pakinabang.
Kung kaunti lang ang iyong kuwalipikasyon at hindi gaanong nagsasalita ng Danish, ang paghanap ng trabaho ay maaaring maging napakahirap. Subalit may iba't-ibang opsyon na bukas para sa iyo na maaaring magpabuti sa iyong pag-asang makahanap ng trabaho. Halimbawa, maaari kang kumuha ng kurso sa wika, magkaroon ng karanasan habang nagtatrabaho sa isang kumpanya o kumuha ng suportadong trabaho sa pampublikong sektor. Sa susunod, ikaw ay makakapasok ng trabaho sa normal na kondisyon.
Aplikasyon at interview sa trabaho
Mas madaling humanap ng trabaho kung ikaw ay may mainam na kaalaman sa Danish. Ngunit kahit pa may magagandang kuwalipikasyon, ang paghanap ng trabaho ay maaaring tumagal. Maaaring mangailangan ng maraming aplikasyon at interview sa trabaho bago dumating ang tamang pagkakataon.
Mga nakasulat na aplikasyon
Karamihan sa mga employer ay humihingi ng nakasulat na aplikasyon sa trabaho. Ang iyong job center, ang iyong unyon o unemployment fund ay makakatulong lahat sa iyo sa iyong nakasulat na aplikasyon sa trabaho. Dapat mapuno ng isang aplikasyon ang isang pahina, at dapat ay nakalagay kung bakit ka nag-aaply sa trabaho, ang iyong mga kuwalipikasyon at karanasan, at kaunting impormasyon tungkol sa iyong sarili.
Magandang ideya ang ilakip ang iyong CV, iyon ay, isang kabuuang-ideya ng iyong mga edukasyonal na kuwalipikasyon, propesyonal na karanasan at mga pinaglilibangan. Magandang ideya rin na maglakip ng ilang kopya ng mga sertipiko ng pagsusulit at mga rekomendasyon mula sa mga dating employer, mga pinagtrabahuhan at mga ginawa sa programa sa pag-aaktibo sa trabaho.
Mga interview sa trabaho
Kung ikaw ay tinawagan para sa isang interview sa trabaho, mahalagang maging handa-handa. Aasahan ng employer na ipaliwanag mo kung saa ka magaling, kung bakit tama ka para sa trabaho at kung paano ka makakatulong sa pag-unlad ng kumpanya.
Gamitin ang interview para magtanong ng mga bagay-bagay na nais mong malaman tungkol sa trabaho, sa kumpanya at ang mga inaasahan nito sa iyo.
Maaaring higit sa isang tao ang naroroon sa interview sa trabaho. Ang isa sa kanila ay maaaring kinatawan ng empleyado.

Pinahahalagahan ng mga employer ang mga sumusunod:
Kontrata sa pagtatrabaho
Kapag ikaw ay natanggap, tatanggap ka ng kontrata sa pagtatrabaho. Naglalaman ito ng impormasyon tungkol sa pinakamahahalagang tadhana at kondisyon sa pagtatrabaho. Ang mga ito ay maaaring:
- Paglalarawan sa trabaho
- Suweldo at mga oras ng pagtatrabaho
- Mga bakasyon
- Mga oras sa trabaho
- Tagal ng paabiso
Kung nawalan ka ng trabaho
Insurance sa kawalan ng trabaho
Kapag nagsimula kang magtrabaho, magandang ideya na sumali sa unemployment fund*, ang tinatawag na a-kasse. Nagbibigay daan sa iyo ito para makahingi ng tulong at tulong pinansyal, benepisyo sa kawalan ng trabaho*, kung nawalan ka ng trabaho. Ang mga kontribusyon sa unemployment fund ay maaaring kaltasin sa buwis.
Bilang isang taong walang trabaho, dapat mong matugunan ang ilang kondisyon upang maging kuwalipikado para sa benepisyo sa kawalan ng trabaho. Dapat ay naging kasapi ka ng isang unemployment fund sa loob ng isang taon at nagkaroon ng ilang pagkakataong magtrabaho. Dapat ipaalam sa iyo ng iyong unemployment fund ang tungkol sa ilang tumpak na detalye.
Mag-apply sa job center
Kung nawalan ka ng trabaho, kailangan mong mag-apply sa job center sa iyong munisipal na awtoridad sa unang araw nang kawalan ng trabaho.
Dito, ikaw ay irerehistro bilang isang aplikante sa trabaho. Kung ikaw ay kasapi ng isang unemployment fund, ikaw ay bibigyan ng benefit card na kakailanganin mo para mag-claim ng benepisyo sa kawalan ng trabaho mula sa iyong unemployment fund.
Kung ikaw ay hindi kasapi ng isang unemployment fund, maaari kang maging kuwalipikado para sa perang benepisyo o panimulang tulong. Ikaw ay may-karapatan sa perang benepisyo kung tumira ka sa Denmark sa loob ng pito sa nakaraang walong taon. Kung hindi, at hindi mo kayang suportahan ang iyong sarili, ikaw ay tatanggap ng panimulang tulong. Ang panimulang tulong ay mas kaunti kaysa sa perang benepisyo.
Paghahanap ng trabaho
Sa lalong madaling panahon, at hindi hihigit sa isang buwan matapos mawalan ng trabaho, kailangan mong maghanda ng CV na nagbabalangkas ng iyong mga edukasyonal na kuwalipikasyon, propesyonal na karanasan, mga personal na interes at mga kasanayan. Ang iyong CV ay ilalagay sa pambansang database ng job center, jobbanken, sa www.jobnet.dk. Ikaw ay kailangan maghanda ng sariling CV at responsable para sa impormasyong nilalaman nito. Ngunit ang iyong job center o unemployment fund ay makakapagbigay ng payo at tulong sa iyo upang maihanda ito.
Kailangan mong maihanda ang sarili sa job market.
Kailangan mong maihanda ang sarili sa job market. Ibig sabihin nito ay kailangan mong maghanap ng trabaho at tumanggap ng alok na trabaho kapag mayroon na. Kung wala kang mahanap na trabaho, tutulungan ka ng job center sa paghanap nito. Kailangan mong puntahan ang mga interview sa trabaho kung saan ka tinawag. At tanggapin ang mga alok na trabahong iyon na ibinigay sa iyo ng munisipal na awtoridad bilang bahagi ng kanilang programa sa pag-aaktibo sa trabaho*. Ang pag-aaktibo sa trabaho ay maaaring may mga kurso, on-the-job training o suportadong trabaho.
Kung may pag-aalinlangan, kumonsulta sa iyong job center o unemployment fund.
Ang Danish labor market
Mga kasunduan - ang modelong Danish
Sa Denmark, maraming kondisyon sa pasahod at pagtatrabaho ang napagkakasunduan ng mga organisasyon ng empleyado at employer. Ang mga ito ay ginagawa sa mga panlahatang kasunduan na nilalagdaan ng mga unyon at mga asosasyon ng employer. Ang mga panlahatang kasunduan ay naglalaman ng mga regulasyon tungkol sa iyong suweldo, oras ng pagtatrabaho, pagsasanay, pensyon at mga alituntunin na namamahala sa mga suweldo sa panahon ng karamdaman at mga panahon ng paabiso. Ang Denmark ay walang tradisyon ng pagbabatas sa bagay na ito. Ito ang dahilan kung bakit pinag-uusapan natin ang tungkol sa "Danish labor market model".
Walang-welga na kasunduan sa panahon ng pagkakasundo
Sa sandaling maabot ang isang kasunduan, isang panahon na walang-welga ang paiiralin. Bukod sa ibang bagay, nangangahulugan ito na ang mga empleyado ay hindi pinapayagan magwelga o hindi pagpapapasok sa itinatagal ng kasunduan. Kung magkakaroon ng mga di-pagkakaunawaan, ang mga ito ay dapat lutasin mismo ng mga partido ng labor market na hindi kinakailangan makisangkot ang estado sa mga negosasyon o paghanap ng solusyon.
37 oras bawat linggo
Ang normal, ganap na pagtatrabaho ay 37 oras bawat linggo. Bilang isang empleyado may karapatan ka sa bayad na bakasyon. Lahat ng empleyado ay may karapatan sa limang linggong bakasyon bawat taon. Kapwa kalalakihan at kababaihan ay may karapatan sa maternity leave. May mga mahihigpit na alitutunin na namamahala sa kalusugan at kaligtasan sa trabaho. Ang mga bata sa ilalim ng edad na 13 ay hindi pinapayagan magtrabaho sa labas ng tahanan.
Mga unyon
Isang tradisyon
Sa Denmark, may tradisyon para sa mga empleyado na maging kasapi ng unyon. Ang mga unyon ang nagbabantay sa mga interes ng mga kasapi nito kaugnay ng mga employer, na tumitiyak sa kainamang suweldo at mga kondisyon sa pagtatrabaho. Ang isang unyon ay hindi kapareho ng isang unemployment fund.
Tumitiyak sa maayos na kondisyon
May tradisyon din para sa mga employer na maging kasapi ng mga organisadong asosasyon. Karamihan sa mga employer at ang kanilang mga asosasyon ay masayang magtrabaho kasama ng mga unyon. Tinitingnan nila ito bilang isang pakinabang na ang mga empleyado ay maunlad at masaya sa pinagtatrabahuhan. Kasabay nito, ang mga panlahatang kasunduan ay tumitiyak sa matatag at maayos na kondisyon kaugnay ng mga pagtaas ng sahod, mga welga at oras ng pagtatrabaho.
Kalayaan sa pakikisama
Sa Denmark, ang prinsipyo na kalayaan sa pakikisama ay umiiral. Nangangahulugan ito na bahala ang indibidwal na empleyado na magpasya kung magiging kasapi ng isang unyon. Sa dahilang ito, hindi maaaring hingin ng isang employer ang mga pagkakaanib sa unyon kaugnay ng pagtanggap o pagpapaalis sa isang empleyado. At hindi rin maaaring hingin ng mga kasamahan na ang isang tao ay sumali sa isang partikular na unyon. Maraming empleyado ang nagpapasyang maging kasapi ng unyon na may panlahatang kasunduan sa kanilang employer.
Karaniwan, ang mga unyon ay hinahati-hati ayon sa trabaho at lugar na pinaggagawaan. Ang iyong pagpili ng unyon ay talagang magdedepende sa iyong edukasyon at linya ng trabaho. Bilang kasapi ng unyon kailangan mong magbayad ng membership fee.
Buhay sa pinagtatrabahuhan
Ang pinagtatrabahuhan ay may pangunahing bahaging ginagampanan sa karamihan
Ang mga pinagtatrabahuhan ay labis na magkakaiba sa Denmark. Gayunman, karaniwan sa kanilang lahat ay ang katotohanan na sila ay may pangunahing bahaging ginagampanan sa mga buhay ng karamihan. Ang mabuting buhay may-trabaho kasama ng mga mababait na kasamahan at positibong paligid sa trabaho ay isang mahalagang aspeto sa anumang makahulugang pamumuhay.
Ang kahalagahan ng pakikisama
Sa malaking bahagi, nasa mga empleyado mismo ang pagpapabuti sa lugar na kanilang pinagtatrabahuhan kung saan sila nananatili. Dito, ang pakikisama ay may mahalagang bahaging ginagampanan.
Mga party at alak sa pinagtatrabahuhan
Sa karamihan ng pinagtatrabahuhan, ang pag-inom ng alak ay ipinagbabawal sa oras ng pagtatrabaho. Sa mga pamamasyal at mga party, gayunman, tanggap na kaugalian ang pag-inom ng alak.
Responsibilidad at inisyatibo
Inaasahan ng karamihan ng employer na ang kanilang mga empleyado ay magtrabahong mag-isa at magpakita ng inisyatibo. Karaniwan sa mga indibidwal na empleyado ang maging responsable para sa kanilang mga sariling trabaho. Sa maraming pinagtatrabahuhan, ang mga empleyado ay grupo-grupong nagtutulungan upang mapagpasyahan kung paano nila tatapusin ang mga gawain at ibabahagi ang trabaho.
Mga problema sa pinagtatrabahuhan
Iba't-ibang problema ang maaaring mangyari sa pinagtatrabahuhan. Ang mga regulasyon sa kalusugan ang kaligtasasan ay maaaring wala sa ayos. Hindi sapat na konsiderasyon ang maaaring ibinibigay para sa kalusugan ng mga empleyado. Maaaring hindi maganda ang paligid sa trabaho o maaaring makaranas ka ng panliligalig, panunuya o mga pagbabanta. Ito, siyempre, ay hindi katanggap-tanggap.
Karamihan sa pinagtatrabahuhan ay may kinatawan ng unyon*
Karamihan ng empleyado ay naghahalal ng kinatawan ng unyon upang katawanin ang kanilang mga interes sa employer. Ang kinatawan ng unyon ay ang kinatawan ng unyon sa pinagtatrabahuhan.
Kung nagkakaroon ka ng mga problema sa trabaho o masama ang loob o minamaltrato, kontakin ang iyong kinatawan ng unyon. Siya ang magsasabi ng problema sa iyong employer o unyon. Ang kinatawan ng unyon ay protektado laban sa pagpapaalis at sa gayon ay makakakilos bilang tagapamagitan sa mga di-pagkakaunawaan. Kung wala kang kinatawan ng unyon, kakailanganin mong kontakin ang unyon o makipag-usap sa pangasiwaan.
Pagsubaybay sa kalusugan at kaligtasan sa trabaho
Ang pagbabantay sa ligtas at mabuting paligid sa trabaho ay isang responsibilidad na kapwa nakasalalay sa employer at mga empleyado. Ang employer ay responsable sa pagbibigay at pagpapanatili ng mga tamang kondisyon sa kalusugan at kaligtasan para sa lahat ng empleyado. Ang mga empleyado ay may tungkuling sumunod sa mga regulasyong pangkaligtasan na umiiral sa kanilang pinagtatrabahuhan. Ang mga pinagtatrabahuhan na may higit sa 10 empleyado ay dapat may organisasyong pangkaligtasan na binubuo ng mga kinatawan ng empleyado at pangasiwaan at umaako sa responsibilidad sa pang-araw-araw na kalusugan at kaligtasan sa trabaho. Sa mga pinagtatrabahuhan na mas kaunti sa 10 empleyado, ang employer at mga empleyado ay kapwa umaako ng responsibilidad para sa kalusugan at kaligtasan sa trabaho.
Kinatawan sa kalusugan at kaligtasan*
Maraming pinagtatrabahuhan ang naghahalal ng sarili nilang kinatawan sa kalusugan at kaligtasan. Ang kinatawan sa kalusugan at kaligtasan ay tumutulong sa pagsubaybay sa kalusugan at kaligtasan upang matiyak na ang mga empleyado ay hindi gumagawa sa mga delikadong makinarya at kagamitan, o gumagawa gamit ang mga mapanganib na sangkap na walang wastong kagamitang pangkaligtasan, o mahirapan ng husto bunga ng kanilang trabaho.
Makipag-usap sa iyong kinatawan sa kalusugan at kaligtasan kung dama mo na ang iyong mga kondisyon sa trabaho ay hindi kagaya ng nararapat. Kagaya ng kaso ng kinatawan ng unyon, ang kinatawan sa kalusugan at kaligtasan ay protektado laban sa pagpapaalis.
Ang mga kapinsalaan sa trabaho ay dapat maiulat
Dapat pangalagaan ng lahat ng employer ang kanilang mga empleyado laban sa mga kapinsalaan sa trabaho at tiyakin na anumang gayong kapinsalaan ay maiuulat sa Danish Working Environment Authority* at sa National Board of Industrial Injuries*. Ang insurance company ng employer ang nagbabayad-pinsala sa empleyado.
Palagi kang malayang makakapag-ulat ng kapinsalaan sa National Board of Industrial Injuries* sakaling may aksidente sa trabaho. Mahalagang maiulat mo ang insidente sa loob ng isang taon ng pangyayari. Kung hindi ay maaaring mawalan ka ng bayad-pinsala.
Pang-aapi
Labag sa batas ang mang-api dahil sa kasarian, edad, kapansanan, lahi, kulay, relihiyon, politikal na kaugnayan, seksuwal na kagustuhan, bansa o lipunan o etnikong pinagmulan.
Ang Danish Parliament ay nagpasa ng batas na nagtatatag ng komisyon sa patas na oportunidad na may kinalaman sa seksuwal na pang-aapi. Sumangguni tayo sa www.ligenaevn.dk para sa karagdagang detalye. Ang Institute for Human Rights ay nagtalaga ng komite sa reklamo para sa etnikong pagkakapantay-pantay. Ang gawain nito ay ang harapin ang pang-aapi batay sa etnikong pinagmulan. Sumangguni tayo sa www.klagekomite.dk para sa karagdagang detalye.
Lahat ng kaso ng pang-aapi ay maaaring iharap sa mga ordinaryong hukuman.
Kung ikaw ay kasapi ng unyon at nakakaranas ng pang-aapi sa trabaho o kaugnay ng paghahanap ng panibagong trabaho, maaari mong kontakin ang iyong unyon at hingan sila ng tulong.
Pagsisimula ng sariling negosyo
Mga alituntunin at regulasyon
Ang pagsisimula ng sariling negosyo ay nangangailangan ng malaking pag-iintindi sa hinaharap at paghahanda. May ilang batas at regulasyon na dapat mong malaman. Ang layunin ng mga ito ay maprotektahan ang mga mamamayan at mga empleyado laban sa hindi wastong kalinisan at kalusugan at mga kapinsalaan sa trabaho, at tiyakin na ang mga negosyo ay hindi mandadaya ng buwis at VAT.
Humingi ng payo at gabay bago ka magsimula.
Maaari kang humingi ng tulong mula sa iyong sentro ng pagpapaunlad sa lokal na negosyo, mula sa isang start-up consultant, mula sa SKAT (ang mga Danish na awtoridad sa buwis) at sa iyong job center. Ang Internet ay maaari rin makapagbigay sa iyo ng kabuuang-ideya sa mga payo na opsyon pati na rin inmpormayon tungkol sa mga batas, regulasyon, pamumuhunan at iba pang paksa na may kaugnayan sa pagsisimula ng iyong sariling negosyo. Sumangguni tayo sa www.virk.dk para sa karagdagang detalye.
Ang iyong unemployment fund ay maaari rin magpayo sa iyo tungkol sa kung paano makakaapekto ang pagsisimula ng sarili mong negosyo sa iyong kakayahang makakuha ng benepisyo sa kawalan ng trabaho*.
Pagrerehistro ng kumpanya
Bilang pangkalahatang alituntunin, lahat ng kumpanya ay dapat magrehistro sa Danish Commerce and Companies Agency. Ito ay opsyonal, gayunman, kung ang iyong taunang kita ay mas mababa sa DKK 50,000. Kapag nairehistro na ang kumpanya, ikay at tatanggap ng CBR-number (Central Business Register), na identification number ng kumpanya. Kakailanganin mo ang iyong CBR-number, halimbawa, sa pagkumpleto sa iyong VAT declaration. Maaari mong irehistro ang iyong kumpanya sa pag-log sa www.eogs.dk.
Lisensya sa pangangalakal at pagpapainom
Lahat ng kumpanya na nagbebenta ng higit sa DKK 50,000 ng pagkain taon-taon ay dapat irehistro sa isang espesyal na rehistro ng negosyo. Kaugnay nito, ang mga pagkain ay ipinapalagay na anumang pagkain, beer, alak, soft drink at iba pang pagkain kahit pa ang mga ito ay nakalagay sa naka-seal na packaging.
Ang Danish Catering and Restaurant Act ay ipinapatupad sa lahat ng self-employed na negosyo na nagbibigay ng pagkain at inumin.Ang gayong mga negosyo ay maaaring mga restawran, bar, diskuhan, pizzeria, grill bar o mga hot dog stand.
Ang Danish Catering and Restaurant Act ang nagtatadhana kung aling regulasyon ang dapat sundin kapag may mga tao o kumpanyang kumuha ng lisensya sa pangangalakal at pagpapainom. Kung kumuha ka ng lisensya sa pagpapainom, kailangan mong maabot ang ilang requirement sa edad at makapagbigay ng pinansyal na plano ng negosyo.
Ang pulisya ang responsable sa pagbibigay ng mga lisensya sa pangangalakal sa mga negosyo na walang lisensya sa pagpapainom, datapuwa't ang mga munisipal na awtoridad ang responsable sa pagbibigay ng mga lisensya sa pagpapainom. Sa Copenhagen, gayunman, ang munisipal na awtoridad ang nagbibigay ng mga lisensya sa pangangalakal.
Ang isang restawran ay maaaring kumuha ng lisensya sa pagpapainom, at ang kusina ng restawran ay dapat makatugon sa ilang requirement mula sa mga awtoridad sa kalusugan.
Buwis at VAT
Kailangan mong mag-file ng account sa pangangalakal at negosyo sa mga Danish na awtoridad sa buwis, kilala rin bilang SKAT.
Pag-insure sa mga empleyado
Kung ang iyong kumpanya ay gumagamit ng mga tauhan, kailangan kang kumuha ng insurance sa pananagutan ng employer upang maprotektahan sila.

Mayroon na akong dalawang empleyado
Si Mansur Sheik ay umalis mula sa Somalia patungong Denmark noong 1993. Nagsanay siya bilang isang mason at ngayon ay may sariling trabaho.
"Pinag-isipan ko ito ng ilang taon bago nagpasyang maging self-employed. Akala ko magiging problema na hindi sanay makakita ng imigrante bilang isang mason na may sariling trabaho ang mga Dane. Subalit hindi ganoon ang nangyari. Ang mga customer ay masaya basta't magaling ka sa iyong trabaho at ginagawa mo ang pinakamabuti mong magagawa. Dinadala ako ng aking trabaho sa direktang pakikiharap sa maraming tao, kung kaya nalaman ko na ang mga Dane ay magkakaiba rin kagaya ng lahat.
Ngayon ay mayroon na akong dalawang empleyado, isang Dane at isang Vietnamese, at masaya ako sa pagiging employer. Ang maipapayo ko ay: magpakatotoo ka. Maraming imigrante ang takot mabigo; hindi dapat ito. May lugar para sa atin."