To start page

6 Pamilya



Ika – 6 na kabanata - Pamilya


Pamilya at lipunan

Ang lipunang Danish at ang welfare state ay naitatag batay sa respeto sa tao at responsibilidad sa komunidad, kapwa kaugnay ng pamilya at lipunan sa kabuuan.

Pantay na karapatan para sa kalalakihan at kababaihan

Ang mga kalalakihan at kababaihan ay may parehong karapatan at responsibilidad, at nakikilahok sa paggawa, buhay pang-ekonomiya at politikal sa patas na katayuan. Ang gayon ay umiiral sa buhay may-pamilya, kung saan ang mga kalalakihan at kababaihan ay may pantay na karapatan para magdesisyon sa kanilang mga buhay, halimbawa, pati sa pagdidiborsyo. Sa karamihan ng pamilya, kapwa mag-asawa ay nagtatrabaho at naghahati sa gawain na pagpapatakbo ng tahanan.

Sama-samang responsibilidad ng mamamayan at lipunan

Ang mga mamamayan at ang pampublikong sektor ay naghahati sa responsibilidad sa ilang gawain, halimbawa, na ang mga bata at kabataan ay tumanggap ng mabuting pagpapalaki at edukasyon at ang mga may-sakit at nanghihina ay tumanggap ng pangangalaga at paggagamot.

Sa pagbabayad ng buwis, lahat ng mamamayan ay nakakapag-ambag sa pampublikong sektor, na responsable sa pagsasagawa ng ilang mahahalagang gawain. Halimbawa, ang pampublikong sektor ay nagbibigay ng mga day care na pasilidad para sa mga bata, mga paaralan at ospital, pati na rin ang pagbibigay ng tulong sa may-sakit, sa matatanda at sa iba pang hindi kayang pangalagaan ang kanilang mga sarili.

Mga volunteer

Ilang boluntaryo at pribadong asosasyon ang tumutulong sa mga nangangailangan. Kadalasan sa direktang pakikipagtulungan sa mga pamilya at pampublikong sektor. Sumangguni tayo sa www.frivillige.dk para sa karagdagang detalye.

Buhay may-pamilya at mga pagsasama

Karamihan ng pamilya sa Denmark ay binubuo ng ama, ina at mga anak. Maraming kabataan ang namumuhay mag-isa ng ilang taon hanggang sila ay mag-asawa o makisama at magkaroon ng mga anak. Ilang may-gulang ang namumuhay mag-isa kasama ng kanilang anak. Maraming may-gulang at matatanda ang namumuhay mag-isa.

Noong 2006, ang Denmark ay umabot sa halos 2.5 milyong pamilya na may humigit-kumulang sa 2.1 katao na namumuhay sa bawat pamilya.
Sa pagtatantiya, ang mga ito ay nalalagay sa mga sumusunod na uri ng pamilya:Porsiyento
Kasal na mag-asawang may mga anak13
Kasal na mag-asawang walang anak21
Mag-asawang may mga anak4
Mag-asawang walang anak6
Nag-iisang magulang na may mga anak5
Nag-iisang magulang na walang anak49
Nakarehistrong pagsasama1
Statistics Denmark, 2007
Ama na may dalawang anak


Kasal

Ang mag-asawa ay pinapayagang magpakasal kapag ang kapwa partido ay umabot sa edad na 18. Ang mga tao na mas bata sa edad na 18 ay dapat kumuha ng espesyal na pahintulot mula sa kanilang munisipal na awtoridad. Ang isang tao ay hindi pa dapat kasal, at labag sa batas na magpakasal ang magkapatid o malapit na kamag-anak gaya ng mga anak, mga magulang o mga ninuno. Nasa tao na ang pagpapasya kung sino ang kanyang pakakasalan. Ang pagpapakasal ay boluntaryo at labag sa batas ang pilitin ang sinoman na magpakasal. Kung pakakasalan mo ang isang taong nakatira sa ibang bansa at nais mong tumira siya sa Denmark, ikaw at ang iyong asawa ay dapat kumuha ng permit sa paninirahan o muling pagbubuklod ng pamilya. Alamin ang iba pa sa Chapter 3, Pagpasok at paninirahan sa Denmark.

Huwes o simbahan

Ang isang mag-asawa ay maaaring magpakasal sa huwes o sa simbahan. Ang isang seremonya sa pagpapakasal na sibil ay isinasagawa ng registrar o ng isa pang opisyal ng publiko sa iyong munisipal na awtoridad. Ang isang seremonya sa pagpapakasal sa simbahan ay isinasagawa ng isang pari mula sa Danish National Church* o alternatibong pangrelihiyong komunidad kung saan ang pari ay may kapangyarihan na magkasal ng mga mag-asawa.

Kung ikaw ay ikinasal sa ibang bansa, ang iyong kasal ay malamang na kilalanin din sa Denmark. Magtanong sa Danish national register sa iyong munisipal na awtoridad.

Tungkuling suportahan ang isa't-isa

Kapag ikaw ay nagpakasal, tungkulin ninyong magbigay ng suportang pinansyal sa isa't-isa. At bilang pangkalahatang alituntunin, lahat ng kagamitan ay pinagsamang ari-arian. Kapag ang kasal na mag-asawa ay nagkaroon ng mga anak, ang mga magulang ay awtomatikong magkasama sa pangangalaga.

Nakarehistrong pagsasama

Ang mga homosexual ay maaari rin pumasok sa isang nakarehistrong pagsasama na ligal na pinaiiral na kagaya ng kasal. Ang mga homosexual ay may parehong mga karapatan at tungkulin kagaya ng iba pang mamamayan. Gayunman, may ilang hindi kasali. Halimbawa, ang mag-asawang homosexual ay walang karapatang mag-ampon ng bata.

Cohabitation

Kapag ang dalawang tao ay nagpasyang magsama na hindi nagpapakasal ito ay tinatawag na cohabitation (pagli-live-in). Ang mag-asawa na nagli-live-in ay walang parehong tungkulin at pananagutan sa isa't-isa na gaya ng mga kasal na mag-asawa. Lalong mahalaga ito kung ang mag-asawa ay may mga anak at nagpasyang maghiwalay.

Pangangalaga*

Kung ang isang mag-asawa ay nagkaroon ng mga anak at hindi kasal, ang ina ang awtomatikong mangangalaga sa mga anak. Ngunit ang mga magulang ay maaaring magsama sa pangangalaga* kung magkakasundo silang gawin ito.

Ang mga di-pagkakasunduan ay maaaring mauwi sa hukuman

Kung ang isang mag-asawang nagli-live-in ay nagpasyang maghiwalay, nasa kanila na ang pagbubukod ng kanilang mga kagamitan. Kagaya ng dapat nilang pagkasunduan kung saan titira ang mga bata. Kung hindi sila magkasundo, ang isyu ay dapat malutas sa hukuman. Kung hindi sila magkasundo kung saan dapat tumira ang mga bata, maaari silang humingi ng tulong mula sa administrasyon ng estado*.

Paghihiwalay at diborsyo

Ang isang asawa na wala nang balak mamuhay sa isang kasal na pagsasama ay may karapatang magdiborsyo. Ang paghihiwalay ay isang uri ng trial period, kung saan ang mag-asawa ay hiwalay na namumuhay ngunit nananatili pa ring kasal. Maaaring magdiborsyo ang isang kasal na mag-asawa kung hiwalay sila sa loob ng isang taon. Kung nagkasundo sila, maaari silang magdiborsyo makalipas ang anim na buwan.

Kung ang diborsyo ay dahil sa pagtataksil o pisikal na karahasan, posibleng magdiborsyo kaagad na walang trial na paghihiwalay.

Paghahati ng responsibilidad para sa mga bata.

Ang mga magulang mismo ang magpapasya kung paano maghahati ng responsibilidad para sa mga bata. Kung hindi sila magkakasundo, maaari silang humingi ng tulong mula sa administrasyon ng estado. Kung walang kasunduang nangyari, ang isyu ay maaaring lutasin ng hukuman.

Ang isang mag-asawang nagnanais na maghiwalay at magdiborsyo ay dapat mag-apply sa administrasyon ng estado sa rehiyon* kung saan sila nakatira. Dito ay makakakuha sila ng payo tungkol sa mga kondisyon sa paghihiwalay, diborsyo, pangangalaga, paghahati ng ari-arian at pagpapanatili ng mga pagbabayad.

Mga pagbabayad sa sustento ng bata.

Ang magulang na hindi namumuhay kasama ng bata ay dapat magbayad ng sustento ng bata doon sa isa. Ang mga bayad sa sustento ng bata ay maaaring kaltasin sa buwis.

Contraception at abortion

Maaari kang makipag-usap palagi sa iyong doktor tungkol sa kung paano makakaiwas sa pagbubuntis. Maraming iba't-ibang uri ng contraception na pagpipilian.

Sa Denmark, ang isang babae ay may karapatang magpalaglag sa ospital bago matapos ang ika-labindalawang linggo ng pagbubuntis. Sa mga espesyal na pagkakataon posible rin na magpalaglag pagkatapos ng petsang ito.

Ang karapatang magpalaglag ay pangunahing nakabatay sa karapatan ng isang babae na magpasya sa kanyang sariling katawan.

Kung nais mong magpalaglag, dapat mong kontakin ang iyong doktor, na magtuturo sa iyo sa ospital. Karaniwan, ang pagpapalaglag ay isang operasyon na ginagamitan ng general anaesthesia. Posible rin na magkaroon ng medikal na pagpapalaglag. Sa madaling salita, pagpapalaglag sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot.

Sumangguni tayo sa www.sexlinien.dk para sa karagdagang detalye.

Walang sinoman ang dapat sumailalim sa pisikal na karahasan

Anuman ang nangyayari sa loob ng apat na dingding ng tahanan ay napapasailalim sa paksa na pribadong buhay, at alinsunod rito, ang estado man o ang mga munisipal na awtoridad ay hindi nakikialam. Sa ganang ito, walang sinoman, may-gulang man o bata, ang dapat malantad sa pisikal na karahasan o pang-aabuso sa loob ng tahanan. Labag sa batas na isailalim ang iba sa pisikal na karahasan. Kasama rito ang mga anak at asawa. Kung ikaw ay sinasaktan, tinatakot o pinipilit na makipagtalik, maaari kang humingi ng tulong mula sa iyong munisipal na awtoridad, crisis center o advisory center. Ang karahasan at pamimilit ay dapat iulat sa pulisya.

Humingi ng tulong bago mahuli ang lahat

Kung kailangan mo ng tulong at payo, maaari mong kontakin ang iyong munisipal na awtoridad o advisory center kung saan may karapatan kang manatiling hindi kilala.

Tulong sa kagipitan at mga crisis center

Kung lumala ang sitwasyon at kailangan mo ng tulong paminsan-minsan, maaari kang lumipat sa isang crisis center. Dito ay bibigyan ka ng kanlungan hanggang malaman kung ano ang mangyayari sa susunod. Ang mga crisis center ay nag-aalok din ng suportang panlipunan, pisikal at edukasyonal.

May mga crisis center na nakakalat sa bansa; para sa mga kalalakihan at kababaihan. Maaaring magsama ng mga bata sa mga crisis center. Karamihan sa mga crisis center ay para sa kababaihan na naghahanap ng proteksyon mula sa mararahas na mister o iba pa na nang-aabuso sa kanila. Sumangguni tayo sa www.lokk.dk at www.social.dk para sa karagdagang detalye.

Pagdadalang-tao

Pagsusuri ng doktor o midwife

Ang mga buntis ay may karapatang masuri ng doktor o midwife. Ang unang check-up ay sa iyong doktor kapag naabot mo ang ika-siyam na linggo ng pagbubuntis. Ikaw ang bahala sa appointment na ito. Kapag nakapasok ka sa ika-10 hanggang ika-12 linggo ng pagbubuntis, maaari kang magpasuri na magpapakita kung may panganib na magkaroon ng mongolism o ilang namamanang sakit ang bata. Kakausapin ka ng iyong doktor o midwife tungkol sa pagsusuri.

Isang case file ang sumusubaybay sa iyo at sa bata

Binubuksan ng doktor ang isang "case history" na dapat mong dalhin sa lahat ng pagsusuri ng doktor o midwife. Sa file itinatala ng doktor o midwife ang progreso ng pagbubuntis. Ang layunin ng mga pagsusuri ay masubaybayan kung ano ang iyong kalagayan at ng sanggol.

Ama, Ina at Anak


Mga paghahanda sa panganganak

Maaari kang pumasok sa mga kurso sa pagbubuntis at alamin ang lahat tungkol sa kung ano ang nangyayari sa iyong katawan habang nagbubuntis at ang paglaki ng sanggol. Matututunan mo rin ang paano huminga at gawin ang mga pisikal na ehersisyo na nagsasanay sa katawan at ginagawang mas madali ang panganganak at mas kaunti ang sakit. Magtanong sa iyong midwife tungkol sa mga kursong nakahanda. Maaari mong isama ang iyong mister o ibang tao sa kurso.

Panganganak

Sa Denmark, karamihan ay nanganganak sa maternity ward ng isang ospital. Ikaw ang magpapasya kung saan at paano mo nais manganak. Maaari mong isama ang iyong mister o ibang tao sa kurso. Posible rin na manganak sa bahay. Konsultahin ang iyong midwife.

Sa maternity ward*

Kung nanganak ka sa ospital, ikaw at ang iyong anak ay ililipat sa isang kuwarto sa maternity ward. Dito ay maaari kang humingi ng tulong sa pagbabantay sa sanggol at payo sa pagpapasuso at pangangalaga sa bagong panganak.

Birth certificate, pagbibigay ng pangalan at pagpapabinyag

Kapag naipanganak ang sanggol, dapat punan ng mga magulang ang isang form na ipapadala sa Registrar of the State Church, na siyang magbibigay ng birth certificate. Ang Danish National Church* ang nagrerehistro ng lahat ng bagong naipanganak, anuman ang relihiyon, sa ngalan ng estado.

Ang Danish National Church ang nagrerehistro sa lahat

Nirerehistro rin ng Danish National Church ang lahat ng pangalan ng bagong panganak. Sa gayon ay dapat mong ipaalam sa Registrar of the State Church ang pangalan ng sanggol. Ito ay dapat gawin bago umabot ng anim na buwan ang bata. Matatagpuan mo ang isang form sa pagbibigay-pangalan sa www.personregistrering.dk. Ang bata ay tatanggap ng birth certificate.

Ang bata ay maaari rin pangalanan kaugnay ng seremonya sa pagbibinyag sa Danish National Church o ng iba pang kilalang pangrelihiyong komunidad. Ang bata ay tatanggap ng birth certificate.

Ang pangalan ay dapat maaprubahan

Ang isang bata ay maaaring magkaroon ng isa o dalawang pangalan. Maaari kang pumili mula sa isang lista ng mga aprubadong pangalan sa pag-log sa website ng Department of Family Affairs sa www.familiestyrelsen.dk. Kung gusto mo ng pangalan na wala sa lista, maaari kang mag-apply upang maaprubahan ito. Ang application form ay nakahanda mula sa Registrar of the State Church.

Maternity at parental leave

Lahat ng nagbubuntis ay may karapatan sa maternity leave kapwa bago at pagkatapos manganak. Ang ama ng bata ay maaari rin kumuha ng parental leave na may nakatakdang panahon. Ang mga pampublikong awtoridad at ilang pribadong kumpanya ay may mga pagkakaisa o kasunduan na tumitiyak na ang mga empleyado ay tatanggap ng bayad na maternity leave. Ang mga magulang na hindi tumatanggap ng bayad na maternity leave ay maaaring tumanggap ng sustento sa panganganak mula sa kanilang munisipal na awtoridad. Pinaiiral din ito sa mga taong may sariling trabaho kung nahawakan nila ang kanilang negosyo sa minimum na anim na buwan. Ang mga magulang na mga maliliit na bata ay may karapatan din sa parental leave. Magtanong sa iyong munisipal na awtoridad para sa mga kondisyon.

Bisita sa kalusugan


Ang bisita sa kalusugan ay magpupunta

Mayroon kang karapatan na puntahan ng isang bisitang pangkalusugan. Maaari mong payagan ang unang pagbisita isang linggo matapos makabalik ang mag-ina mula sa ospital. Pagkatapos nito, papayagan mo ang mga pagbisita sa hinaharap.

Pagsubaybay sa paglilinang ng bata

Ang trabaho ng bisitang pangkalusugan ay ang magpasyo sa iyo upang ikaw at ang bata ay makapagsimula sa pinakamabuting paraan. Sinusuri ng bisitang pangkalusugan ang bata at sinusubaybayan ang paglaki nito. Ang bisitang pangkalusugan ay nagtutuon sa kapakanan ng buong pamilya at nagbibigay ng payo sa anumang bagay kung saan ikaw ay maaaring may pag-aalinlangan.

Mga pagsusuri ng iyong doktor

Ang iyong anak ay makakatanggap ng ilang libreng pagsusuring pangkalusugan mula sa iyong doktor ng pamilya. Basahin ang iba pa tungkol sa mga pagsusuring pangkalusugan ng bata sa Chapter 11.

Mga grupo ng mga ina

Ang bisitang pangkalusugan ay maaaring mag-organisa ng ilang kababaihan na halos magkakasabay na nakapanganak sa mga grupo ng mga ina. Ang mga ina ay nagkikita-kita sa bahay ng isa't-isa o sa isang lugar na inorganisa ng bisitang pangkalusugan upang makapag-usap at makapagkuwento ng mga karanasan. Tanungin ang iyong bisitang pangkalusugan kung may mga grupo ng mga ina kung saan maaari kang sumali.

Mga batang binabantayan sa labas ng tahanan

Sapagkat ang mga magulang parehong nagtatrabaho sa araw, karamihan sa maliliit na bata ay binabantayan sa day care center o facility. Maraming mag-aaral ang pumapasok sa after-school care facility o sa after-school center. Ang mga magulang ay direktang nakikipag-usap sa mga institusyon na nangangalaga sa kanilang mga anak. Sa ganitong paraan ay naiimpluwensyahan nila ang kabataan at pagpapalaki sa bata - pati na rin kapag ang bata ay wala sa bahay.

Mga yaya, day care at mga nursery

Ang karamihan sa mga batang nasa ilalim ng anim na taong gulang ay binabantayan ng isang yaya o sa isang day care center o nursery araw-araw. Gawain ng mga munisipal na awtoridad na magbigay ng mga day care facility, at ang mga opsyon ay iba-iba mula sa isang awtoridad at sa isa pang awtoridad. Ang pinaka-karaniwan ay:

  • Day care. Ibig sabihin nito na kasama ng iba pang bata, ang bata ay binabantayan ng isang yaya na aprubado ng munisipal na awtoridad. Ito ay nakatuon lalo na sa mga batang 0-3.
  • Day nursery - para sa mga bata na mula anim na buwan pataas hanggang sa edad na dalawa.
  • Crèche - para sa mga batang tatlong taong gulang pataas hanggang sa edad na magsisimulang mag-aral.
  • Outdoor crèche - kung saan ginugugol ng mga bata ang araw sa kabukiran o kakahuyan.
  • Isang buong institusyon - para sa mga batang anim na buwang gulang at hanggang sa edad na magsisimulang mag-aral.
  • Pribadong day care. Ang ilang munisipal na awtoridad ay nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga magulang upang maipasok ang kanilang mga anak sa pribadong day care.

Kailangan mong kumuha ng lugar

Trabaho mong kontakin ang mga munisipal na awtoridad upang makapaglaan ng lugar para sa iyong anak. Kung wala pang lugar na magagamit kaagad, ang pangalan ng bata ay ilalagay sa isang waiting list. Mas maaga mong isulat ang pangalan ng bata, mas malaki ang pag-asang makahanap ng lugar kapag kinailangan mo ito. Kung nais mong mabantayan ang iyong anak sa mga pasilidad sa pagbabantay ng bata, kailangan ay agad mong maisulat ang pangalan niya matapos maipanganak.

Mga bata sa palaruan


Kung ikaw ay lilipat sa ibang munisipal na awtoridad

Kung ikaw ay lilipat sa ibang munisipal na awtoridad bago makapagsimula ang bata sa isang day care center, dapat mong kontakin ang bagong awtoridad at ipasulat ang pangalan ng bata sa waiting list doon. Tandaan na sabihin sa kanila kung gaano katagal nang naghihintay ang bata upang hindi ka ilagay sa dulo ng pila.

Kung ikaw ay lilipat sa ibang munisipal na awtoridad matapos makapagsimula ang bata sa isang day care center, dapat mong kontakin ang bagong awtoridad at ipasulat ang pangalan ng bata sa waiting list doon. Maaari mo rin panatilihin ang bata sa day care center sa awtoridad na iyong pinanggalingan.

Tumawag at makipag-appointment

Ikaw ay palaging malayang magpunta sa ilang day care center bago magpasya kung saan mo nais ipasok ang iyong anak. Tumawag at makipag-appointment upang matiyak mo na may oras na makipag-usap ang personnel sa iyo at bigyan ka ng tour ng center.

Bayad

Dapat mong sagutin ang halaga ng pagpapabantay ng iyong anak sa isang day care center. Gayunman, babayaran ng estado ang isang bahagi ng halaga. Kung mayroon kang ilang anak sa day care, ikaw ay tatanggap ng diskuwento para sa magkakapatid, at maaari ka mag-apply sa munisipal na awtoridad para sa libre o bahagyang libreng lugar para sa iyong anak. Magtanong sa iyong munisipal na awtoridad.

Tungkulin na mabantayan ang bata

Kung wala kang trabaho at tumanggap ng perang benepisyo, benepisyo sa kawalan ng trabaho* o panimulang benepisyo*, tungkulin mong ihanda ang iyong sarili sa job market. Nangangahulugan ito na dapat kang makapagsimulang magtrabaho kaagad kapag nagkaroon ng bakante o maghandang tumanggap ng alok na pag-aaktibo sa trabaho. Hinihingi nito na ang iyong anak ay nasa day care.

Kung wala ka pang natagpuan na magbabantay sa iyong anak, bibigyan ka ng iyong munisipal na awtoridad ng lugar sa isang day care center o sa day care. Obligado kang tanggapin ito. Ang pagkabigong gawin ito ay maaaring mauwi sa pagkasuspindi sa tulong pinansyal.

Tulong pinansyal sa pribadong day care

Ang mga munisipal na awtoridad ay nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga magulang na nagnanais ipasok ang kanilang anak sa pribadong day care, halimbawa, sa pagkuha ng yaya. Ang ilang munisipal na awtoridad nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga magulang upang mapangalagaan ang kanilang mga sariling anak. Ang awtoridad ang magpapasya kung magbibigay ng gayong tulong pinansyal.

Tulong sa paglilinang ng wika

Kung kailangan ng iyong anak, maaari itong bigyan ng espesyal na tulong para matuto ng Danish, tinatawag na language stimulation, mula sa edad na tatlong taong gulang. Ang iyong munisipal na awtoridad na nagbibigay ng serbisyong ito, at isang espesyal na dalubhasa sa wika ang magsusuri kung mangangailangan ng language stimulation ang iyong anak. Kung ang iyong anak ay pumapasok sa nursery, ang language stimulation ay gagawin doon. Kung ang bata ay inaalagaan sa bahay, ang bata ay dapat tumanggap ng 15 oras na language stimulation sa isang linggo. Ang language stimulation ay kinakailangan. Magtanong sa iyong munisipal na awtoridad.

Gülay Ciftci

Ang aking anak na lalaki ay nagkaroon ng malawak na bokabularyo sa paglalaro kasama ng iba pang Danish na bata.

Si Gülay Ciftci ay umalis mula sa Turkey patungong Denmark noong 1977. Siya ay nagtatrabaho bilang isang consultant sa munisipal na pagsasanib at perang benepisyo at kasalukuyang nag-aaral para maging social worker.

"Nang magsimula ang aming anak na lalaki sa paaralan, nagsalita ang kanyang mga guro sa kanyang malawak na bokabularyo. Ito ay dahil sa madalas niyang pakikipaglaro sa mga batang Danish. Sapagkat kahit ako ay nagsasalita ng Danish sa kanya, may mga salita na hindi ko alam ngunit natututuhan niya mula sa ibang bata. Tayong mga matatanda ay maaaring matuto mula sa isa't-isa sa parehong paraan. Palagi naming inaanyayahan ang mga batang Danish at ang kanilang mga magulang sa aming tahanan. Napakarami naming tinalakay na magagandang paksa at naging edukasyonal ito para sa kanila at sa amin. Maraming masasamang opinyon ang naglaho - sa magkabilang panig."



Ugnayan sa pagitan ng mga magulang at personnel

Ang positibong ugnayan sa pagitan ng mga magulang at day care personnel ay mahalaga sa mabuting paglilinang ng bata. Ipapaalam sa iyo ng personnel ang tungkol sa mga nangyayari sa day care center sa araw-araw. Nais nilang marinig ang tungkol sa iyong mga karanasan sa bata at ang mga pagbabago sa pamilya na nakakaapekto sa bata.

Kung kailangan mo ng dagdag na oras para makipag-usap sa personnel, maaari kang humingi ng pagpupulong ng magulang at guro.

Maraming day care center ang gumagamit ng mga bi-lingual na personnel na sumasali sa mga pagpupulong. Kung hindi ay bibigyan ka ng interpreter.

Mga pagpupulong ng magulang at guro at mga lupon

Mahalagang magkaroon ka ng aktibong interes sa pang-araw-araw na pamumuhay ng iyong anak, pati na rin kapag ang iyong anak ay nasa pangangalaga ng iba. Malalaman mo ang iba pa tungkol sa kung ano ang nangyayari sa day care center ng iyong anak at gumawa ng mga suhestiyon sa mga pagpupulong ng magulang at guro na ginagawa dalawang sa isang taon. Sa isa sa mga pagpupulong ng magulang at guro, ang mga magulang ay naghahalal ng mga kinatawan sa lupon ng magulang. Ang mga kinatawan ay may karapatan sa pananalapi ng center, mga aktibidad at edukasyon na umaapekto sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga bata.

Mga bata at mga kabataan

Sa pagitan ng dalawang kultura

Maaaring mahirap ang maging bata o kabataan kung may malaking pagkakaiba sa pagitan ng mga pamantayan at prinsipyo sa lipunang Danish at yaong mga nakalakihaan mo sa tahanan. At maaaring mahirap ang maging magulang, na nararanasan ang mga pamantayan ng lipunan at ang mga inaasahan sa mga bata at kabataan na ibang-iba kaysa sa iyong katutubong bansa.

Mga teenager

Lalong hindi madali kapag ang mga bata ay umabot sa kanilang kasibulan and nakaranas ng mahahalagang pisikal at emosyonal na pagbabago. Kagaya ng ibang bata ay kailangan nilang makilala ang kanilang sarili, matutong tumayo sa kanilang mga paa at patunayan na kaya nilang mamuhay mag-isa. Kasabay nito, ang mga magulang ay responsable para sa kanila at patuloy na magtatakda ng mga hangganan para sa kanilang mga teenager.

Mga kasunduan at alituntunin

Karamihan sa mga kabataan na nakatira sa bahay ay nakikipagkasundo sa kanilang mga magulang sa kung anong mga alituntunin ang iiral sa pagpunta sa mga party, anong oras sila dapat nasa bahay, at kung papayagan silang manatiling magdamag na wala sa bahay. Maraming kabataan - mga lalaki at babae - ang nagkikita sa mga café at diskuhan sa kanilang bakanteng oras o nagdaraos ng mga pribadong party. Ang ilan ay natutulog sa bahay ng isa't-isa.

Maraming magulang ang nag-uusap tungkol sa kanilang mga palagay sa paninigarilyo, pag-inom at mga party, halimbawa, sa mga pagpupulong ng magulang at guro. Bawat pamilya ay may iba't-ibang palagay tungkol sa mga alituntunin na dapat umiral at sa antas ng malayang pag-iisip na ibinibigay sa kanilang mga anak. Sa mga pagpupulong ng magulang at guro, ang mga magulang ay maaaring magtatag ng mga karaniwang alituntunin para sa kanilang mga anak - halimbawa, kaugnay ng mga party sa paaralan.

Nagbibilad sa araw sa tabing tubig


Ang katawan at sex

Payag ka man o hindi, madalas ay matatagpuan mo ang sex at nudity sa lipunang Danish. Ang mga pahayagan ay nagsusulat ng mga lathalain tungkol sa sex at sex life, at biswal na kinakasangkapan ng mga advertisement at commercial ang katawan ng tao.

Ipinapakita nito ang pangkalahatang kalakaran sa lipunan tungo sa mas liberal na pananaw sa sex life. Halimbawa, sa nakaraang dekada, ang mga bagong paraan ng sama-samang pamumuhay ay lumabas pati na rin ang higit na kalayaan sa pagpapasya sa sariling katawan at mas pinabuting kondisyon para sa mga homosexual. Gayunman, sa kalayaang ito ay may pananagutan.

Ibig sabihin nito ay may mga limit sa kung ano ang maaari mong gawin at hindi dapat gawin, at walang sinoman ang pinapayagang mamilit ng iba na gumawa ng mga bagay na labag sa kanilang kalooban. Ang palagay ay respetuhin natin ang personal at seksuwal na hangganan ng bawat isa.

Ang mga halos nakahubad na nagpapa-araw sa parke at beach o mga katiting manamit o mga hubad na naliligo, halimbawa, ay hindi dapat ipalagay na bukas na imbitasyon sa sex. Sa parehong paraan, ang ikinikilos ng isang tao o mahalay na pananamit ay hindi dapat ipalagay na bukas na imbitasyon sa sex. Ang panghahalay ay dapat iulat sa pulisya upang ang (mga) nagkasala ay maparusahan.

Litrato ng batang lalaki

Mga bata at kanilang mga karapatan

Ang Denmark ay lumagda sa UN convention sa mga karapatan ng bata na umiiral sa lahat ng bata sa ilalim ng 18 taong gulang, anuman ang pinagmulan. Ayon sa convention, ang mga bata ay may karapatan sa pagkain, mabuting kalusugan at lugar na matitirahan, karapatang mag-aral, maglaro at maprotektahan mula sa giyera, karahasan, pang-aabuso at pagsasamantala. May karapatan din sila sa magkatuwang na pagpapasya at impluwensya.

Sa Denmark, labag sa batas ang manakit ng bata; ang pagtutuli sa babae ay katulad nitong labag sa batas.



Lehislatura

Ang lehislaturang Danish ay nagtatakda ng maliwanag na hangganan para sa mga karapatan ng bata at proteksyon ng mga bata. Labag sa batas ang makipagtalik sa isang menor de edad, iyon ay isang tao na mas bata sa edad na 15. Ang mga kabataan ay dapat 16 na taong gulang bago sila payagang bumili ng mga sigarilyo at alak. Ang mga kabataan ay dapat na 18 taong gulang bago sila payagang bumili ng alak sa mga restawran at diskuhan.

Pag-alis ng tahanan

Ayon sa batas Danish, ang mga tao ay may ganap na ligal na kakayahan sa edad na 18. Ibig sabihin nito ay maaari silang kumuha ng pagsusulit sa pagmamaneho, humiram ng pera at ligal na may pananagutan sa kanilang mga sarili. Maraming kabataan ang umaalis ng bahay sa sandaling maging 18 taong gulang sila at nagsisimulang mamuhay na mag-isa o kasama ng iba pa na kasing edad nila.

Payo at gabay

Posibleng humingi ng propesyonal na tulong para malutas ang mahihirap na problema. Kapwa magulang at mga anak ay maaaring humingi ng payo at gabay - magkasama o mag-isa. Magtanong sa iyong munisipal na awtoridad o tumawag sa crisis line o sa isang helpline sa telepono. Ang mga serbisyong ito ay libre at ang mga tumatawag ay maaaring manatiling hindi kilala.

Batang lalaki na nasa basket

Tulong para sa mga bata at pamilyang may problema.

Responsibilidad ng magulang na alagaan ang kanilang mga anak at gumawa ng matatag na kapaligiran para sa kanilang pagpapalaki. Ang lipunan ay hindi nakikialam maliban kung may hinala na ang kapakanan ng bata ay nanganganib.

Kung may mga problema, ang munisipal na awtoridad ay makikipagugnayan sa pamilya at susubuking tumulong lutasin ang mga iyon. Ang pamilya o ang isang kasali sa pamilya ay maaaring humingi ng tulong. Ito ay pinagsasamang lakas ng awtoridad at ng pamilya. Ang nilalaman ng tulong ay iba-ibang uri ng suporta sa pamilya.

Kung bigo ang mga magulang sa kanilang tungkulin sa puntong ang bata ay hindi umuunlad o maayos na lumalaki kasama ng pamilya, ang bata ay inilalagay sa alternatibong pangangalaga sa labas ng pamilya. Maaaring mangyari to sa pahintulot ng mga magulang o sa anyo na sapilitang pagpapaalis. Ang bata ay maaaring ilagay sa isang institusyon o paampunan sa loob ng isang panahon. Halimbawa, maaaring ito ay dahil sa sinaktan ng mga magulang ang bata o dahil hindi nila maalagaan nang maayos ang bata. Ang mga kabataan na may seryosong problema sa lipunan o nasangkot sa krimen at ang mga magulang ay walang kakayahang alagaan sila, ay maaaring ilagay sa mga espesyal na institusyon. Dito, maaari silang humingi ng tulong upang makapagsimula sa pag-aaral o humanap ng trabaho.



Mga bata at may-gulang na may kapansanan

Mas normal na buhay hangga't maaari

Kasama ng kanilang mga pamilya, ang mga bata, teenager at may-gulang na may espesyal na pangangailangan o may kapansanang pisikal o sa pag-iisip ay maaaring humingi ng tulong upang ang kanilang araw-araw na pamumuhay at mas maging madali. Ang layunin ay upang ang mga taong may kapansanan ay mas aktibo at normal na makapamuhay hangga't maaari.

Mga espesyal na serbisyo

Karamihan sa mga batang may kapansanan o mga batang may espesyal na pangangailangan ay namumuhay kasama ng kanilang mga magulang at pumapasok sa mga normal na nursery, paaralan at mga gawaing panlibangan. Ngunit ang ilan ay pumapasok sa mga espesyal na nursery at paaralan kung saan ang mga bata ay sinasanay at tinuturuan ng personnel na espesyal na nagsanay.

Ang mga kabataan at may-gulang ay may access sa tulong na pag-aaral, mga pang-umaga at 24-oras na center, drop-in center, mga protektadong pinagtatrabahuhan at mga workshop.

Ang ilan ay nakatira sa sariling tirahan at tumatanggap ng personal at praktikal na tulong mula sa estado. Maaaring ito ay wheelchair o isa pang pantulong o personal na katulong. Ang iba ay nakatira sa mga espesyal na institusyon o pinaghahatian o protektadong tirahan kung saan nila makukuha ang tulong na kailangan nila.

Babaeng nasa wheel chair pasakay sa tren


Buhay para sa matatanda

Aktibong matatanda

Ang matatandang mamamayan ay maraming pagkakataon na maipagpatuloy ang kanilang interes at pangunahan ang aktibong pamumuhay. Ang patakaran sa pagtanda ng gobyernong Danish ay nakabatay sa prinsipyo na ang matatanda ay dapat magkaroon ng parehong responsibilidad at karapatan sa kani-kanilang buhay hangga't maaari. Bilang isang matandang mamamayan, nananatili sa iyo ang karapatan na maging bahagi ng proseso ng pagdedesisyon. Kapwa sa personal na antas at kaugnay ng mga desisyon na nakakaapekto sa iyong lokal na lugar.

Ang mga munisipal na awtoridad ay may mga sariling kapulungan ng matatanda na ang mga kasapi ay mga lokal na hinalal na matatandang mamamayan na nagpapayo sa awtoridad sa mga bagay na napakahalaga sa matatanda sa lokal na komunidad. Magtanong sa iyong munisipal na awtoridad tungkol sa mga maaaring gawin at mga tagpuan.

Buhay may-trabaho at pagreretiro

Kailangan din ng lipunang Danish ang matatandang mamamayan nito para makapag-ambag kung kaya nila. Ang ilang tao ay nagtatrabaho hanggang abutin nila ang edad na 70. Ang iba ay nagreretiro kapag umabot sila ng edad na 65 at may karapatang kumuha ng pensyon ng estado. Ang iba pa ay nagreretiro ng mas maaga mula sa trabaho, kinukuha ang pre-retirement na benepisyo at pensyon sa maagang pagreretiro.

Pensyon ng estado

Karamihan ng mga tao ay may karapatan sa pensyon ng estado kapag sila ay umabot sa edad na 65. Ang prinsipyo sa plano na pensyon ng estado ay magkaroon ng karapatan sa pensyon ang isang tao bilang mamamayan ng lipunang Danish. Kung ikaw ay nanirahan sa Denmark sa loob ng 40 taon mula sa edad na 15 hanggang sa ikaw ay magretiro, ikaw ay may karapatan sa buong pensyon ng estado. Kung ikaw ay nanirahan sa Denmark sa mas maikling panahon, may karapatan ka sa mas maliit na pensyon. Ang tanggapan ng munisipal na pensyon ang nagkukuwenta sa laki ng pensyon at maaaring magsabi sa iyo ng halaga kung saan ikaw ay may karapatan.

Savings na pensyon

Maraming tao ang nagdaragdag sa kanilang mga pensyon ng estado ng iba pang uri ng pensyon. Maraming empleyado ang nagsu-subscribe sa mga plano sa pensyon. Ang ibig sabihin nito ay bawat buwan ang employer at ang empleyado ay nagbabayad ng takdang halaga sa isang pensyon na hawak ng tagabigay ng pensyon. Maaari ka rin direktang magbayad sa isang pribadong savings na pensyon sa isang bangko o sa isang tagabigay ng pensyon.

Kung ikaw ay nagbabayad sa isang pribadong tagabigay ng pensyon, ang halaga ay maaaring kaltasin sa buwis at ikaw ay magbabayad ng mas mababang buwis.

Benepisyo sa maagang pagreretiro

Ang benepisyo sa maagang pagreretiro ay nagbibigay kakayahan sa mga tao na magretiro o bahagyang magretiro mula sa trabaho, dahil pinapayagan ka ng plano na manatiling isang suwelduhang empleyado habang tumatanggap ng mas mababang benepisyo sa maagang pagreretiro.

Ang pinakamabatang edad kung kailan maaari kang kumuha ng benepisyo sa maagang pagreretiro ay 60. Kinakailangang naging kasapi ka ng isang unemployment fund sa loob ng 30 taon at nakapagbayad ng mga espesyal na kontribusyon sa maagang pagreretiro. Ang benepisyo sa maagang pagreretiro ay tumitigil, sa pinakahuli, kapag umabot ka sa edad na 65.

Maagang pagreretiro

Ang ilang tao ay nagdurusa sa malalaking pisikal o mental na problema na hindi na nila kayang magtrabaho at kailangan kumuha ng maagang pagreretiro. Dapat matugunan ng isang tao ang ilang kondisyon upang maging karapat-dapat sa maagang pagreretiro - ang isa sa mga ito ay ang tagal ng kanilang paninirahan sa Denmark. Magtanong sa iyong munisipal na awtoridad

Tulong sa tahanan

Karamihan ng mga matatanda ay nakatira sa kanilang mga sariling tahanan sa itatagal ng panahon hangga't maaari. Posibleng makahingi ng tulong para sa mga bagay na gaya ng paglilinis at pamimili. Kung ikaw ay nanghihina, maaari ka rin tumanggap ng personal na pangangalaga. Kung gaano karaming tulong ay magdedepende sa kung paano sinusuri ng munisipal na awtoridad ang mga pangangailangan ng tao.

Pabahay para sa matatanda

Kung ikaw ay isang matandang mamamayan na may mga espesyal na pangangailangan o problemang pisikal, maaari kang mag-apply sa iyong munisipal na awtoridad para sa pabahay sa matatanda. Ang pabahay sa matatanda espesyal na ginawa upang matugunan ang mga pangangailangan ng matatanda at yaong may mga kapansanan. Maraming pabahay sa matatanda ang nauugnay sa mga healthcare center kung kaya madali sa mga residente ang paghingi ng tulong. Maaaring may mga waiting list para sa pabahay sa matatanda. Kung kaya magandang ideya ang maagang pagsulat ng iyong pangalan.

Protektadong pabahay o nursing home

Ang mga matatanda na nangangailangan ng madalas na pangangalaga ay maaaring patirahin sa protektadong tirahan o mamuhay sa isang nursing home. Dito, mga personnel ang namamahala sa mga praktikal na bagay gaya ng pagluluto, paglalaba at paglilinis at tumutulong sa mga residente sa personal na kalinisan at kalusugan. Ang mga nars ay naroon din upang maglapat ng gamot kung saan kailangan at namamahala sa paggamot ng kalusugan matatanda.

Kailangang magbayad ng matatanda sa tulong na kanilang tinatanggap. Ngunit ang mga presyo ay kadalasang napakababa na kayang-kayang bayaran ng matatanda, kahit sa pensyon ng estado.

Mama sa bolingan


Kapag nagwakas na ang buhay

Death certificate

Kapag namatay ang isang tao, sinusulat ng doctor ang death certificate. Kung ang pagkamatay ay nangyari sa tahanan, dapat kontakin ng isang kamag-anak ang doktor sa lalong madaling panahon. Tatanggapin ng pamilya ang death certificate kasama ng death report na kailangang ipadala sa Registrar of the State Church. Ang Danish National Church* ang nagrerehistro ng lahat ng kamatayan, anuman ang relihiyon ng namatay o ng kanyang pamilya, sa ngalan ng estado.

Kapag namatay ang isang tao, ang probate court* ay awtomatikong sinasabihan at tinatawag ang malapit na pamilya isang sandali matapos ang pagkamatay. Dito, pinagpapasyahan kung ano ang mangyayari sa mga pag-aari ng at mga personal na ari-arian ng namatay.

Paglilibing

Karaniwan, ang patay ay inililibing o kini-cremate sa loob ng walong araw. Isang tagapangasiwa sa libing ang maaaring tumulong sa mga kailangang gawin. Posibleng makakuha ng pinansyal na tulong, isang tulong pinansyal sa pagpapalibing, mula sa iyong munisipal na awtoridad. Kung ang patay ay ililibing sa ibang bansa, ang munisipal na awtoridad ay dapat magpalabas ng espesyal na pasaporte sa bangkay na isasama sa patay.

2,100 sementeryo

Ang Danish National Church* ay may humigit-kumulang 2,100 sementeryong nakatalaga, at lahat ng mamamayan sa Denmark ay may karapatang mailibing sa isang sementeryo. Kung ikaw ay kabilang sa ibang pangrelihiyong komunidad hindi mo maaaring iutos na pagbigyan ang iyong mga tradisyon at kaugalian. Ngunit maaari mong ipaalam sa lupon ng sementeryo ang iyong mga hiling.

Mga sementeryo para sa iba pang pangrelihiyong komunidad

Ang ilang sementeryo ay may mga libingan para sa Mosaic na Pangrelihiyong Komunidad, Mga katoliko at Muslim. Ang mga pangrelihiyong komunidad sa labas ng Danish National Church ay maaari rin magtatag ng kanilang sariling sementeryo. Halimbawa, may sementeryong Muslim sa Municipalidad ng Brøndby. Ito ay pag-aari at pinamamahalaan ng Danish Islamic Burial Foundation.





Last update: 3/20/2009
Published by: The Ministry of Refugee, Immigration and Integration Affairs
The Danish Immigration Service - tel: +45 35 36 66 00 - us@us.dk · The Ministry of Refugee, Immigration and Integration Affairs - tel: +45 33 92 33 80 - inm@inm.dk