To start page

2 Paano pinamamahalaan ang bansa



Ika- 2 kabanata - Paano pinamamahalaan ang bansa


Demokrasya ng kinatawan

Ang Denmark ay isang demokrasya ng kinatawan*. Ang pinakamahahalagang desisyon ay ginagawa ng mga politikong malayang naihalal sa Danish Parliament*, mga konsehong rehiyonal* at mga konsehong munisipal*.

Lehislatibo, ehekutibo at hudisyal na kapangyarihan

Sa Denmark, ang lehislatibo, ehekutibo at hudisyal na kapangyarihan ay ganap na independiyente sa isa't-isa. Folketinget, ang Danish National Parliament, ang nagpapasa ng mga batas ng bansa. Ipinatutupad ng gobyerno ang mga batas na ito kasama ng administrasyon ng estado. Ang mga korte - iyon ay, ang mga hukumang pang-distrito, matataas na hukuman at ang korte suprema - ang naghuhusga at naghahatol.

Ang demokrasya ay sinimulan noong 1849

Ang demokrasyang Danish ay nakabatay sa konstitusyong Danish ng 1849. Ang konstitusyon ay sinusugan sa pagdaan ng mga taon, noong 1915, halimbawa, nang bigyan ng karapatang bumoto ang mga babae. Ang kasalukuyang konstitusyon ay mula pa noong 1953, subalit marami sa mga alituntunin nito ay nananatiling hindi nagbago mula sa orihinal.

Mga konstitusyonal na karapatan

Ang konstitusyong Danish ay naglalaman ng mga pangunahing alituntunin tungkol sa kung paano pamamahalaan ang gobyerno at tumitiyak sa ilang mahahalagang karapatan at kalayaan ng mga mamamayan ng bansa. Ginagarantiyahan ng konstitusyong Danish ang karapatan sa pribadong pag-aari, ang kalayaang isagawa ang lahat ng relihiyon, ang karapatang bumuo ng mga samahan, ang karapatang magpahayag, at kalayaan sa pagpapahayag ng damdamin maging ito ay sa kasulatan, sa salita, o sa anumang anyo.

Sa Denmark, ang kalayaan sa pagsasalita ay nangangahulugan na ang isang tao ay malayang ilathala ang kanilang nararamdaman at naiisip. Na may kaukulang paggalang, gayunman, sa mga hukuman at lehislasyon sa pangkalahatan. Maaari kang masakdal sa paninira sa karangalan ng isang tao o sa pagtawag sa ibang tao sa mapanakot o mapang-aping paraan, halimbawa, dahil sa kanilang mga paniniwala o etnikong pinagmulan.

Litrato ni Queen Margrethe II

HRH Queen Margrethe II

HRH Queen Margrethe II ay naging reyna ng Denmark mula 1972. Ang pamilya maharlika ng Denmark ay kilalang-kilala ng mga tao. Maraming tao ang nakikinig sa kanyang Bagong Taong talumpati na isinasahimpapawid sa radyo at telebisyon sa ika-31 ng Disyembre sa ganap na 6:00 ng hapon.



Ang pamilya maharlika

Ang pinakamatandang monarkiya sa mundo

Ang monarkiyang Danish ang pinakamatanda sa mundo. Sa loob ng higit sa 1,000 taon ay may mga hari, reyna, prinsipe at prinsesa sa Denmark. Ang pamilya maharlika ay walang politikal na kapangyarihan ngunit kasali sa buhay publiko sa iba't-ibang paraan at kumakatawan sa Denmark sa ibang bansa.

Lehislatibong kapangyarihan

Ang Folketinget, ang Danish National Parliament, ang nagdedebate at nagpapatupad sa batas ng Denmark. Ang Folketinget ay may 179 na kasapi na nagmula sa iba't-ibang partido politikal. Ang Mga Kasapi ng Parliamento ay inihahalal upang maglingkod sa loob ng apat na taon sa bawat pagkakataon. Gayunman, maaaring buwagin ng Prime Minister ang parliamento at tumawag ng pangkalahatang halalan bago matapos ang apat na taon na panahong ito.

Dalawa sa kasapi ng Folketinget ay inihahalal sa Greenland at dalawa sa Faroe Islands.

Bukas sa publiko

Lahat ng debate sa parliamento ay bukas sa publiko at kahit sino ay malayang makipag-usap sa mga politiko. Ang mga debateng politikal ay sinusubaybayang mabuti at pinag-uusapan sa media.

Ehekutibong kapangyarihan

Ang administrasyon ng estado

Ang gobyerno ay binubuo ng mga ministro mula sa isa o higit pang partido politikal. Ang gobyerno ay pinamumunuan ng prime minister. Bawat ministro ay may kanya-kanyang responsibilidad. Kasama ng kani-kanilang kaugnay na institusyon, ang mga ministeryo ay bumubuo sa estado. Kasama ng iba't-ibang rehiyon at mga munisipal na awtoridad, ang estado ang bumubuo sa ehekutibong kapangyarihan na tinatawag na administrasyon ng estado.

Ang gobyerno at ang administrasyon ng estado ang gumagawa at nag-iimplementa ng mga batas ng bansa.

Hudisyal na kapangyarihan

Mga independiyenteng hukuman

Ang mga Danish na hukuman ay ganap na independiyente. Ang gobyerno ni ang Parliamento ay hingi makakapagpasiya kung paano dapat kumilos ang mga hukuman sa isang partikular na kaso.

Ang hudikatura ay binubuo ng korte suprema, dalawang mataas na hukuman at 24 na hukumang pang-distrito. Dagdag pa, ang mga espesyal na hukuman ay nagtutuon sa mga partikular na sektor. Tumutukoy ito, halimbawa,sa Danish Industrial Court* at sa Danish Maritime and Commercial Court*.

Mga hukumang pang-distrito* at matataas na hukuman

Bilang pangkalahatang alituntunin, ang mga kaso ay unang nililitis sa mga hukumang pang-distrito. Ang desisyon ng hukumang pang-distrito ay mai-aapela sa mataas na hukuman.

Ang korte suprema

Ang korte suprema ay ang pinakamataas na hukuman ng bansa. Ang korte suprema ay isang korte sa pag-apela. Nangangahulugan ito na ito ay karaniwang may kinalaman sa mga kasong apela mula sa isa sa matataas na hukuman. Ang desisyon ng korte suprema ay hindi maiaapela.

Ang Espesyal na Korte ng Huling Apela

Posibleng iapela ang isang desisyon sa Espesyal na Korte ng Huling Apela kung may taong nagnanais na muling buksan ang isang kasong kriminal. Maaaring ito ay dahil may bagong ebidensya nakuha para sa isang kasong sarado na.

Litrato ng konseho sa pagsasanib

Ang Konseho sa Pagsasanib

Ang mga munisipal na awtoridad ay makakapagtatag ng mga konseho sa pagsasanib. Ang trabaho ng mga konsehong ito ay ang magpayo sa mga munisipal na awtoridad tungkol sa mga paraan kung saan ang mga bagong mamamayan at mga etnikong minorya ay aktibong makakasali sa lokal na komunidad. Ang iyong munisipal na awtoridad ang makapagsasabi sa iyo kung ito ay may konseho sa pagsasanib. Maaari mo rin himukin ang iyong munisipal na awtoridad na magtatag ng konseho sa pagsasanib.

Ang mga lokal na konseho sa pagsasanib ay naghahalal ng mga kinatawan sa pambansang konseho para sa mga etnikong minorya, na nagpapa-alam sa gobyerno. Alamin ang iba pa sa pag-log sa www.rem.dk



Perwez Iqbal

Sa palagay ko ay tungkulin natin na maging kasangkot

Si Perwez Iqbal ay umalis sa kanyang katutubong Pakistan noong 1970 at nanirahan sa Denmark. Siya ay co-founder ng iba't-ibang samahang imigrante. Naging kasapi din siya ng konseho sa pagsasanib at konsehong pang-distrito sa Albertslund Municipal Authority.

"Sa palagay ko, tungkulin ng bawat imigrante na maging aktibong kasangkot sa kung anuman ang makakaya nila at maipasa ang pakinabang sa personal na karanasan. May mga magagandang oportunidad sa pagkuha ng impluwensya sa antas ng lokal na komunidad; ang tanong lang ay ang paggamit sa mga ito. Ako mismo, ay naging aktibo noong 80s dahil nais kong magbigay ng puna sa kung ano ang sinasabi sa media tungkol sa mga imigrante. Maraming naituro sa akin ang karanasan; marami akong nakilalang talagang magkakaibang tao at ngayon ay marami na akong kaibigang Danish. Sa pagiging aktibo sa mga talakayan, nakatulong ako na mabago ang pagtingin ng maraming Dane sa mga imigrante at naimpluwensyahan ang mga inisyatibo sa pagsasanib para sa Albertslund Municipal Authority."



Mga Munisipal na Awtoridad at Mga Rehiyon

Malapit sa mga mamamayan

Ang Denmark ay pinaghati-hati sa 98 munisipal na awtoridad, bawat isa ay may kanya-kanyang malayang naihalal na konsehong munisipal at mayor. Ang mga halalan para sa konsehong munisipal ay ginagawa tuwing ika-apat na taon. Ang mga munisipal na awtoridad ay nagsasagawa ng ilang gawain sa mga lokal na sektor sa loob ng mga panuntunan na itinatag ng Parliamento.

Halimbawa, tungkulin ng mga munisipal na awtoridad na maglaan ng mga day-care center, mga paaralan, pangangalaga sa matatanda, gumawa ng mga daan at tiyakin ang isang angkop na balangkas para sa mga kultural na aktibidad sa mga lokal na sektor. Ang mga munisipal na awtoridad ay tumutulong din sa mga dayuhan na naninirahan sa Denmark upang masimulan ang kanilang bagong buhay dito - bahagya sa pagbibigay ng mga leksyon sa wikang Danish at pagbibigay ng impormasyon tungkol sa lipunang Danish. Alamin ang iba pa tungkol sa pag-aaral ng wikang Danish para sa mga bagong mamamayan sa Chapter 4, Bagong Mamamayan sa Denmark.

Mga rehiyon

Ang Denmark ay pinaghati-hati sa limang rehiyon*. Bawat rehiyon ay pinamamahalaan ng malayang naihalal na konsehong rehiyonal na inihahalal tuwing ika-apat na taon. Ang mga rehiyon ang responsable sa mga ospital, kabuuang trapiko at pagpaplano sa pagpapaunlad ng rehiyon.

Pagboto at Mga Eleksyon

Ang karapatan sa pagboto

Sinoman na 18 taong gulang ay may karapatang bumoto at tumakbo sa mga munisipal na halalan. Kung ikaw ay isang mamamayan mula sa isang bansa sa labas ng European Union o ng rehiyong Nordic, gayunman, pinaiiral lamang ito kung permanente kang nanirahan sa Denmark sa loob ng tatlong taon bago pa ang halalan.

Kailangan ikaw ay isang mamamayang Danish upang makalahok sa mga pangkalahatang halalan at mga pambansang referendum*.

Ang mga mamamayan ng EU na naninirahan sa Denmark ay maaaring bumoto sa European Parliamentary Elections*, maging dito sa Denmark o sa kanilang sariling bansa.

Balota

Lahat ng may karapatang bumoto ay tumatanggap ng balota kaugnay ng mga pangkalahatang halalan at mga pambansang referendum. Ang balota ang nagsasabi kung saan at kung kailan ka makakaboto. Sa iyong pagboto ikaw ay nakakatulong sa paghubog sa lipunang Danish at sa pang-araw-araw na pamumuhay sa Denmark. Ang Denmark ay may tradisyon na mataas na bilang ng bumoboto sa mga halalan.

Ang mga partido politikal

Ang Denmark ay maraming partido politikal na pinagpipilian ng mga kandidato sa mga halalang politikal. Kung nais mong impluwensyahan ang pagpili ng kandidato, kailangang maging kasapi ka ng partido politikal. Sa mga rehiyonal at munisipal na halalan, ang mga cross-party list at mga espesyal na non-party citizens list* ay maaari rin pagpilian ng mga kandidato.

Lipunang itinatag sa kapangyarihan ng batas

Ang Denmark ay isang demokratikong lipunan na itinatag sa kapangyarihan ng batas*. Nangangahulugan ito na ang gobyerno at ang administrasyon ng estado, kasama ang pulisya, ay sumasailalim sa demokratikong kontrol at ang mga hukuman ay kumikilos nang malaya sa gobyerno. Lahat ng mamamayan ay may ilang pangunahing karapatan at kalayaan, at nakatakdang gumalang sa batas. Lahat ng mamamayan ay may karapatang tratuhin nang maayos at alinsunod sa batas ng mga administratibong awtoridad at mga korte.

Tungkulin na paglilihim

Ang mga empleyado ng pampublikong awtoridad ay may tungkulin sa paglilihim. Bilang pangkalahatang alituntunin, nangangahulugan ito na ang personal na impormasyon ay maaari lamang ipasa sa iyong employer o doktor na may naunang pahintulot mo.

Access sa mga record*

Mayroon kang karapatan sa pag-access sa sarili mong mga record. Karaniwan, kung kumukuha ka ng access sa mga record sasabihin sa iyo kung anong impormasyon ang nakapaloob sa iyong mga dokumento.

Ang Parliamentaryong Ombudsmand

Ang Ombudsmand ay inihahalal ng Parliamento at may kinalaman sa mga katanungan tungkol sa mga pagkakamali o kapabayaan sa parte ng administrasyon ng estado. Ang Ombudsmand ay malaya sa gobyerno at maaaring magsimula ng sarili nitong pagsisiyasat.

Maaaring kontakin ng sinoman ang Ombudsmand kung sa palagay nila ay nagkasala ang isang awtoridad sa paglabag sa alituntunin o paggawa ng administratibong kamalian. Gayunman, lahat ng iba pang landas sa pagrereklamo ay dapat munang naubos. Ang serbisyo na ibinibigay ng Ombudsmand ay libre sa lahat ng mamamayan.

Ang iyong karapatan at pag-asang makapagreklamo tungkol sa administrasyon ng estado

Ang Danish Public Administration Act ay naglalaman ng mga alituntunin sa kung paano tatratuhin ng mga pampublikong awtoridad ang mga mamamayan.

Bukod pa rito, isinasaad ng Batas na ang pagtanggi sa kahilingan ay dapat makatwiran. At sinasabi pa ng Batas na dapat ipaalam sa iyo ng administrasyon ng estado ang pag-asang makapagreklamo sa isang alternatibong awtoridad kung may gayong awtoridad.

Karnov aklat ng batas


Krimen at parusa

Kung may taong pinaniniwalaang nakagawa ng krimen, iimbestigahan ng pulisya ang kaso. Ang pampublikong piskal ang nagsasakdal sa kaso. Ang mga hukuman ang nagpapasya kung ang isang tao ay hahatulan.

Ihinarap sa hukom sa loob ng 24 oras

Kung ikaw ay inaresto dahil sa isang krimen, ikaw ay may karapatang maiharap sa isang hukom sa loob ng 24 oras. Ang hukom ang magpapasya kung ang isang tao ay ibabalik sa pagkakabilanggo* habang ang pulisya ang mag-iimbestiga sa kaso.

Bilang akusado sa isang kriminal na paglilitis, may karapatan ka na manatiling tahimik. At may karapatan ka sa ligal na pagpapayo mula sa isang abugado.

Mga multa, kulungan at iba pang pagpaparusa

May dalawang uri ng parusa: mga multa at kulungan. Ang mga kabataan na mas bata sa edad na 18 at ang may sakit sa pag-iisip ay maaaring mahatulan na maipagamot.

Mga suspendido at hindi suspendidong hatol

Ang mga hatol sa pagkakakulong ay maaaring suspendido o hindi suspendido. Kung ang isang tao ay tumanggap ng suspendidong hatol, siya ay ipapadala lang sa kulungan kung siya ay nakagawa ng panibagong krimen. May iba pang kondisyon, gayunman, na maaaring kasama ng isang suspendidong hatol, gaya ng kinakailangang pagsunod ng nasasakdal sa isang kurso ng gamutan.

Habambuhay na pagkabilanggo ang pinakamabigat na parusa

Habambuhay na pagkabilanggo ang pinakamabigat na parusa na maaaring maipataw ng isang hukuman. Ang Denmark ay walang parusang kamatayan.

Kabataan na mas bata sa edad na 15

Ang kabataan na mas bata sa edad na 15 ay hindi maisasakdal. Gayunman, ang mga pinaghihinalaan na mas bata sa edad na 18 ay maaaring pigilan ng pulisya. Bagamat ang kabataan na mas bata sa edad na 15 ay hindi maisasakdal, maaaring magpasya ang mga awtoridad ng lipunan na ipadala sila sa ilang kurso o ilagay sila sa isang saradong, 24-oras na care center

Kriminal na record

Maaaring hingin ng isang employer ang kriminal na record ng isang tao para tingnan bago magpasya kung kukunin siya.

Ang isang kriminal na record ay isang dokumento na nagsasabi kung ang isang tao ay nahatulan, ang katangian ng kanyang krimen at ang hatol na kanyang natanggap.

Kung kailangan mo ng kriminal na record, maaari kang kumuha sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya.

Libreng Tulong na Ligal

Tulong mula sa estado

Kung kasangkot ka sa isang demandahan at mababa ang kita, maaari kang kumuha ng libreng tulong na ligal. Kung binigyan ka ng libreng tulong na ligal, ang estado ang tutulong sa pagbabayad sa abugado at sasagot sa iyong mga ligal na gastusin.

Tulong na Ligal

Kung ikaw ay may problemang ligal, maaari kang kumuha ng tulong na ligal o magtungo sa Legal Advice Bureau. Dito, may abugadong magbibigay ng ligal na payo. Ang serbisyong ito ay maaaring libre o napaka-abot-kaya. Malalaman mo ang iba pa tungkol sa tulong na ligal o sa Legal Advice Bureau sa pag-log sa www.advokatsamfundet.dk.

Ang Pulisya

Kahit sino ay maaaring pumunta sa pulisya.

Ang gawain ng pulisya ay panatilihin ang kaayusan sa publiko at pigilin, imbestigahan at lutasin ang krimen. Kahit sino ay maaaring pumunta sa pulisya para humingi ng tulong at mag-ulat ng paglabag. Halimbawa, maaari kang pumunta sa pulisya kung ikaw ay ninakawan o sinalakay o kung nakasaksi ka ng krimen. Maaari ka rin tumawag sa 112.

Ang SSP scheme*

Sa maraming lugar, ang pulisya ay nakikipagtulungan sa mga paaralan at mga awtoridad ng lipunan sa tinatawag na SSP scheme. Ito ay isang pinagsamang inisyatibo para maiwasan ang krimen sa mga kabataan.

Pulisya


Mga alituntunin na gumagabay sa pulisya

Ang pulisya ay kinakailangang sumunod sa ilang alituntunin kapag inaaresto o tinatanong ang isang pinaghihinalaan. Hindi sila dapat gumamit o magbantang gumamit ng karahasan. At dapat nilang ipaalam sa inaarestong partido ang kanyang mga karapatan.

Malaking tiwala sa pulisya

Sa kabuuan, malaki ang tiwala ng mga Dane sa pulisya. Kung may taong hindi nasisiyahan sa trato ng pulisya, maaari siyang magreklamo sa pampublikong piskal* na, bukod sa ibang bagay, ay may kinalaman sa mga reklamo tungkol sa inaasal ng pulisya. May anim na rehiyonal na tanggapan ng pampublikong piskal. Para malaman ang iba pa, mag-log sa www.rigsadvokaten.dk.

Sariling pagtutuwid

Ipinagbabawal na ilagay ang batas sa iyong mga kamay, halimbawa, sa pagbira sa isang tao dahil binuwisit ka niya. Ito ay tinatawag na sariling pagtutuwid at isang kriminal na paglabag.

Ang Denmark at ang mundo

Maraming internasyonal na koneksyon

Ang Denmark ay maraming internasyonal na koneksyon. Ang Denmark ay kasapi ng European Union (ang EU*), ng Council of Europe, ng United Nations (ang UN), ng North Atlantic Treaty Organisation (NATO*), ng Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD*) at ng World Health Organisation (WHO*).

Mga internasyonal na kapulungan

Ang Denmark ay lumagda sa ilang internasyonal na kapulungan tungkol sa proteksyon sa mga karapatang pantao. Halimbawa, ang kapulungan ng UN laban sa pagpapahirap, ang kapulungan nito laban sa lahat ng uri ng pang-aapi sa lahi, lahat ng uri ng pang-aapi sa kababaihan at ang kapulungan nito tungkol sa mga karapatan ng bata.

Bilang kasapi ng Council of Europe*, ang Denmark ay lumahok sa European Human Rights Convention at isinama ito sa batas na Danish.

Ang EU*

Ang Denmark ay naging kasapi ng European Union noong 1973. Mula noon, ang impluwensya ng EU ay kumalat sa maraming sektor, na nakaapekto nang malaki sa lehislatura ng mga kasaping estado nito. Bukod sa ibang bagay, ang mga kasaping estado ay nagtutulungan sa kapaligiran, mga problema ng mamimili at malayang kalakalan sa karaniwang merkado. Ang ilan ay may iisang salapi, ang Euro. Ang Denmark ay hindi bahagi ng Euro zone.

Ang UN*

Bilang kasapi ng United Nations (the UN), ginagampanan ng Denmark ang bahagi nito sa pagtulong sa nangangailangan, pagtiyak sa kapayapaan at pagpapaunlad sa mundo at pagsusulong ng respeto sa mga karapatang pantao.

NATO* at OECD*

Sa loob ng alyansang militar, NATO, at ng organisasyong pang-ekonomiya, OECD, ang Denmark ay direktang nakikipagtulungan sa Canada, sa United States at iba pang bansa.

Internasyonal na kooperasyon sa pagpapaunlad

Pinapadala ng Denmark ang 0.8 porsyento ng GNP nito sa mg proyektong pagpapaunlad sa mahihirap na bansa sa mga kontinenteng gaya ng Africa, Asia at Latin America.

Ang tulong pinansyal ay ibinibigay sa UN at iba pang internasyonal na organisasyon at ng Denmark direkta sa tatanggap na bansa.

Ang tulong ay ibinibigay sa direktang pakikipagtulungan sa mga tumatanggap na bansa upang mapanagutan nila ang kanilang sariling pagpapaunlad.

Ang mga importanteng salita sa tulong ng Denmark ay tulong sa pinakamahihirap na tao, pagkakapantay-pantay sa mga kasarian, matatag na gobyerno, demokrasya, mga karapatang pantao, malasakit sa kapaligiran at kakayahang mapanatili.

Tulong sa mga refugee

Ginagampanan ng Denmark ang bahagi nito sa pagtulong sa mga refugee ng mundo. Ito ay ginagawa, halimbawa, sa pamamagitan ng mga internasyonal na misyon sa pagpapanatili ng kapayapaan, suporta sa pagbuong muli sa mga lugar na nasira ng digmaan, pagbibigay ng matitirahan sa mga refugee at ang pagpapabalik sa mga refugee kapag maaari.

Ang pagbibigay ng matitirahan sa mga refugee ay ginagawa sa mga komunidad na malapit sa mga lugar ng labanan at sa Denmark. Bawat taon ang Denmark ay nagbibigay ng matitirahan sa 500 refugee alinsunod sa kasunduan nito sa UN's High Commissioner for Refugees (UNHCR). Dagdag pa sa bilang na ito, ang Denmark ay tumatanggap ng magkakaibang bilang ng tao na dumarating sa bansa at binibigyan ng status na refugee.





Last update: 3/20/2009
Published by: The Ministry of Refugee, Immigration and Integration Affairs
The Danish Immigration Service - tel: +45 35 36 66 00 - us@us.dk · The Ministry of Refugee, Immigration and Integration Affairs - tel: +45 33 92 33 80 - inm@inm.dk