11 Kalusugan at Karamdaman
Ang Danish na serbisyong pangkalusugan
Ang iyong GP
Kapag nagrehistro ka sa isang pambansang rehistro sa iyong munisipal na awtoridad, maaari mong piliin kung aling GP ang gusto mo; halimbawa, kung gusto mo ng lalaki o babaeng doktor.
Ang daan sa pampublikong serbisyo sa kalusugan ay sa pamamagitan ng iyong GP. Maaaring gamutin agad ng iyong GP ang ilang problemang pangkalusugan. Ang iba ay maaaring mangailangan ng referral para sa karagdagang eksaminasyon or panggagamot ng isang espesyalista o pagpapagamot sa isang hospital.
Hindi mo kailangan ng referral mula sa iyong GP kung kailangan mong makipagkita sa isang dentista o kung napakasakit ng iyong nararamdaman at kailangan pumunta sa hospital emergency o kailangan ng agad na pagpapa-ospital.
Danish health insurance card
Ang health insurance card na ipinadala sa iyo ng iyong munisipal na awtoridad ay katunayan na ikaw ay may karapatan sa pampublikong paggamot ng kalusugan. Isinasaad ng card ang iyong pangalan, address at personal identification number at ang pangalan at address ng iyong GP.
Nagbibigay ng proteksyon kapag naglalakbay sa Europa
Kailangan mong dalhin ang iyong health insurance card kapag nagpunta ka sa dentista, hospital emergency o kapag kailangan ipasok sa ospital. Kailangan ay dala mo rin ito kapag naglakbay ka sa labas ng Denmark. Ang health insurance card ay nagbibigay ng proteksyon kung nagkasakit ka o naaksidente habang naglalakbay sa Europa basta ang paglalakbay ay para sa kasiyahan at wala ka nang halos isang buwan. Alamin ang iba pa sa pag-log sa www.sundhed.dk
Sa Denmark, ang pagpunta sa iyong GP ay libre.
Ang pagpunta sa iyong GP ay libre, gayundin ang pagpapa-ospital. Ang mga gastusin ay binabayaran ng nagbabayad ng buwis.
Mga bagay na dapat mong bayaran
Halimbawa, kailangan mong bayaran ang halaga ng medisina, pangangalaga sa ngipin at physiotherapy. Subalit maaaring maging karapat-dapat ka rin para sa suporta.
Sa doktor
Makipag-appointment
Kung kailangan mong makipagkita sa iyong doktor, siguraduhing tumawag at makipag-appointment. Karamihan sa mga GP ay may opisina mula 8 ng umaga hanggang 4 ng hapon, araw-araw. Bibigyan ka ng appointment na hindi hihigit sa limang araw mula ng tumawag ka. Kung talagang masama ang pakiramdam mo, maaaring pagbigyan ka ng iyong doktor para makipagkita sa iyo sa araw na iyon.
Eksaminasyon, pagpapagamot o referral
Susuriin ka ng doktor at magpapasya sa susunod na hakbang. Maaari kang bigyan ng reseta.
Maaari ka rin i-refer ng iyong doktor para sa karagdagang eksaminasyon o pagpapagamot sa isang espesyalista - halimbawa, dermatologist o gynaecologist. Ang pagpunta sa isang espesyalista ay libre rin. Maaari kang i-refer ng iyong doktor para sa isang uri ng pagpapagamot kung saan kinakailangan kang magbayad ng ilang gastusin. Maaaring ito ay pagpapagamot sa isang physiotherapist o psychologist.
Panghuli, maaari kang ihanda ng iyong doktor para maipasok sa ospital, kung naipalagay na kinakailangan.
Interpreter
Dapat tiyakin ng iyong doktor na nauunawaan ninyo ang isa't-isa. Kung magkaiba ang inyong wika, ang doktor ay dapat tumawag ng interpreter. Alamin ang iba pa tungkol sa paggamit ng interpreter sa Chapter 4, Bagong Mamamayan sa Denmark.

Pagpunta sa iyong GP
Mga problemang pangkaisipan
"Sama ng loob at pagkabalisa"
Sa Denmark, hindi bihira ang dumanas ng problemang pangkaisipan. Ang pagiging balisa ay hindi kapareho ng pagkakaroon ng sakit sa pag-iisip. Maraming Dane ang humihingi ng tulong at nagpapagamot para sa mga problemang pangkaisipan. Kung ikaw ay dumating sa Denmark upang makatakas sa giyera o pang-uusig, maaaring may ilang kadahilanan sa pagdanas ng mga problemang pangkaisipan na hindi mo mararanasan sa normal na pamumuhay.
Ang mga problemang pangkaisipan ay maaaring mauwi sa pisikal na kirot
Puntahan ang iyong doktor kung nakakaranas ka ng mga problemang pangkaisipan at nangangailangan ng tulong. Ang mga problemang pangkaisipan ay maaari rin mauwi sa pisikal na kirot. Kung, halimbawa, ikaw ay nagdurusa sa mga pagsakit ng likod, pagsakit ng tiyan o pagsakit ng ulo na walang nakikitang pisikal na sanhi, o masama ang iyong tulog, dapat kang pumunta sa iyong doktor. Susuriin ka ng iyong doktor para malaman kung may sanhing pangkaisipan.
Pagtatanong tungkol sa iyong mga problema
Maaari kang tanungin ng iyong doktor kung ikaw ay nag-aalala o marami kang iniisip. Kung nakakaranas ka ng mga problema sa asawa. O kung hinahanap-hanao mo ang iyong pamilya at katutubong bansa. O kung nalantad ka sa mga masasamang karanasan gaya ng giyera at pagpapahirap o pagkakakulong.
Dapat tuparin ng iyong doktor ang pagiging lihim
Dapat tuparin ng iyong doktor ang pagiging lihim, upang hindi ka manganib sa pakikipag-usap sa kanya tungkol sa iyong mga problema. Anuman ang iyong ssabihin ay mananatili sa pagitan ninyo at hindi ipapasa sa mga awtoridad, maliban kung gugustuhin mo.
Pagpapayo na pangkaisipan
Maaaring madama ng doktor na ang iyong mga sintomas ay hindi maaaring gamutin sa pamamagitan lang ng medisina. Ikaw, sa gayon, ay maaaring i-refer sa isang psychologist na makakatulong sa iyo.
Kung nakakaranas ka ng galit bunga ng giyera o pagpapahirap, ire-refer ka ng iyong doktor sa isang sentro para sa mga nababalisang refugee.
Ang mga bata ay maaari rin mabalisa
Dapat mong malaman na ang iyong mga anak ay maaaring nagdudusa rin sa mga naging epekto at nangangailangan ng tulong. Maaari mong talakayin ang tungkol dito sa iyong doktor, case officer, bisitang pangkalusugan, mga guro o personnel sa nursery, crèche o after-school recreation scheme ng iyong anak. Maaari ka nilang payuhan kung paano magpapatuloy.
Emergency doctor service
Sa labas ng normal na oras ng pag-konsulta
Kung kailangan mo ang doktor makalipas ang 4 ng hapon ng weekday, buong araw ng weekend at mga pampublikong holiday, kailangan mong tawagan ang emergency doctor service. Matatagpuan mo ang mga numero ng telepono ng iyong emergency doctor service sa iyong telephone directory o sa pag-log sa website ng iyong munisipal na awtoridad o www.sundhed.dk.
Mga katanungan
Kapag tumawag ka sa emergency doctor service, itatanong sa iyo ng on-duty na doktor kung ano ang iyong nararamdaman. O kung ikaw ay tumatawag para sa ibang tao, itatanong nila kung ano ang kanyang nararamdaman. Itatanong nila sa iyo ang mga katanungan na gaya ng: May lagnat ka ba at kung mayroon, gaano kataas ito? Nakakaramdam ka ba ng anumang kirot? Kung ito ay isang kapinsalaan, magtatanong ang doktor para malaman kung gaano kalala ito.
Batay sa mga sagot, susuriin ng doktor kung kakailanganin mong pumunta sa iyong doktor kinabukasan, kung dapat kang puntahan ng doktor sa iyong tahanan, o kung kailangan mong pumunta sa emergency doctor service o pumunta sa hospital emergency. Hihingin din sa iyo ang iyong personal identification number o ng pasyente.
Gamitin lamang ang emergency doctor service kapag talagang kailangan
Tawagan lamang ang emergency doctor service kapag talagang kailangan o kung nag-aalinlangan ka sa kung gaano kalala ang iyong sakit o ng iyong anak.
Emergency 112
Sa isang emergency
Kung may isang taong bigla na lamang nabuwal, hindi makahinga, naaksidente o sinalakay, dapat mong tawagan agad ang emergency call center sa 112.
Sa emergency call center, itatanong sa iyo ang iyong pangalan, address at numero ng telepono kung saan ka tumatawag. Titiyakin ng call center na may ipapadala agad na ambulansya o pulis o iba pang uri ng tulong.
Mga eksaminasyon at bakuna ng bata
Siyam na eksaminasyon
Mula sa edad na limang linggo hanggang sa 15 taon, ang iyong anak ay bibigyan ng ng doktor ng siyam na eksaminasyon sa kalusugan laban sa sakit. Ang unang pito ay gagawin bago magsimulang mag-aral ang bata, ang dalawang panghuli kapag nagsimula at natapos na sa pag-aaral ang bata.
Programa ng eksaminasyon
Ang eksaminasyon ay sumusunod sa isang nakatakdang programa. Ang layunin ay upang masubaybayan ang kapakanan at paglaki ng iyong anak. Sa ganitong paraan malalaman mo at ng iyong doktor kung may anumang problema ang iyong anak at makagawa ng aksyon kung saan kinakailangan.
Makipag-appointment
Kailangan mong makipag-appointment sa iyong doktor sa unang pitong eksaminasyon.
Libreng mga pagbabakuna
Lahat ng bata ay maaaring bakunahan laban sa ilang sakit. Ang mga pagbabakuna ay libre. Ang iyong doktor ang magbabakuna sa iyong anak. Maaaring gawin ito kasabay ng normal na eksaminasyon sa kalusugan ng iyong anak.
Ang Danish na mga awtoridad sa kalusugan ang nagpapasya kung para sa aling sakit babakunahan ang iyong anak. Ang mga ito ay diphtheria(Di), tetanus(Te), whooping cough(Ki), polio(Pol), tigdas, beke, tigdas hangin(MFR) at meningitis(Hib).
German measles (tigdas-hangin)
Kung nagkaroon ka ng tigdas-hangin habang nagbubuntis, nanganganib ang iyong anak na magkaroon ng kapansanan. Sa dahilang ito ay dapat kang mabakunahan bago mabuntis kung ikaw ay isang babae at hindi pa nagkaroon ng tigdas-hangin, o kung hindi ka nabakunahaan laban sa sakit na ito.
Ang mga bata sa Denmark ay binabakunahan ayon sa sumusunod na programa:| Edad | Bakuna |
| Tatlong buwan | Di-Te-Ki-Pol-Hib |
| Limang buwan | Di-Te-Ki-Pol-Hib |
| Labindalawang buwan | Di-Te-Ki-Pol-Hib |
| Labinlimang buwan | MFR I |
| Limang taon | Di-Te-Ki-Pol |
| Labindalawang taon | MFR II |
Iba pang pagbabakuna
Kung ikaw ay ina ng isang bata at may hepatitis B, ang bata ay babakunahan laban sa sakit na ito. Tatanggapin ng bata ang unang bakuna kaagad matapos maipanganak. Tatanggapin ng bata ang mga susunod na bakuna kapag siya ay apat hanggang limang linggong gulang, dalawang buwang gulang at 12 buwan.
Kung may kasapi ng iyong pamilya na nahawaan ng hepatitis B, ang iba pang kasapi ng pamilya ay maaaring libreng mabakunahan ng iyong GP laban sa sakit.
Mga pagbabakuna bago maglakbay
kung kailangan mo ng mga espesyal na bakuna kaugnay ng paglalakbay sa abroad, kailangan mong bayaran ang mga ito.
Sabihin at magtanong
Ang kalusugan at sakit ay mga sensitibo at personal na bagay. Kasabay nito, magkakaiba ang ating pananaw sa kalusugan at sakit ayon sa kultural na pagpapalaki sa atin. Sa kadahilanang ito madaling nagkakaroon ng mga di-pagkakaunawaan kapag nagtagpo ang mga panananaw sa kalusugan ng magkakaibang kultura. Lalo na kung mahirap maunawaan ang isa't-isa.
Sasabihin sa iyo ng personnel ng ospital para sa kalusugan ang tungkol sa iyong pagpapagamot, ang iyong mga karapatan at tungkulin bilang pasyente. Mahalagang makinig kang mabuti sa mga sinasabi nila, at respetuhin kung pano ginagawa ang mga bagay-bagay. Subalit mahalaga rin na sabihin mo sa kanila ang tungkol sa iyong mga kahilingan at mga inaasahan. At magtanong kapag may bagay na hindi mo maunawaan.
Sa ospital
Mga eksaminasyon at pagpapagamot
Maaari kang ipasok sa ospital kung nakaranas ka bigla ng kapinsalaan o nagkasakit. O maaaring i-refer ka ng iyong doktor para ma-eksamen o magamot sa ospital. Maraming eksaminasyon at napakaraming pagpapagamot ang gagawin bago ka matanggap sa ospital. Nagbibigay daan ito sa iyo para makauwi sa araw na iyon.
Malayang pagpili ng ospital
Kaugnay ng maraming pagpapagamot, maaari mong piliin kung sa aling ospital nais mong ipasok ka. Kung pinili mo ang isang ospital sa labas ng rehiyon kung saan ka nakatira, maaaring hindi ka tanggapin dahil sa kawalan ng mahihigaan. Makipag-usap sa iyong doktor tungkol sa iyong napiling ospital.
Mga ward na pang-maramihang pasyente
Kung tinanggap ka sa ospital, mananatili ka sa isang ward kasama ng dalawa hanggang tatlong iba pang pasyente. Ang mga lalaki at babae ay natutulog sa magkahiwalay na ward.
Mga alituntunin tungkol sa pagkain at oras ng dalaw
Kapayapaan at katahimikan
Ang mga may-sakit ay nanganganilangan ng kapayapaan at katahimikan. ito ang dahilan kung bakit karamihan ng ospital ay may nakatakdang oras ng dalaw. At inaasahan ng mga ospital ang mga dumadalaw na maging tahimik at magpakita ng konsiderasyon sa lahat ng pasyente.
Ang ospital ay nagbibigay ng mga pagkain, damit at paliguan
Tinitiyak ng ospital na ang mga pasyente ay napapakain, napapaliguan, nagsusuot ng malinis na damit at natutugunan ang kanilang iba't-ibang pangangailangan. Ang mga dumadalaw ay pinapayagan magdala ng prutas, ngunit maaari lamang magdala ng pagkain sa ospital matapos makipag-usap sa personnel ng ospital.
Mga bata sa ospital
Maaaring magpalipas ng gabi ang mga magulang kasama ng kanilang mga anak
Karamihan sa mga ospital ay naglalaan ng stay-over facility para sa mga magulang ng mga batang ipinasok sa ospital. Ang mga magulang ng mga batang may-sakit ay maaari rin manatili sa ospital sa labas ng normal na oras ng pagdalaw.
Psychiatric hospital
Mga interview at medikal na paggagamot
Ang mga taong nagdudusa ng husto sa sakit sa pag-iisip na hindi na makakilos nang maayos sa kanilang araw-araw na pamumuhay ay maaaring ipasok sa isang psychiatric ward hanggang bumuti sila. Dito, maaaring sabihin ng mga pasyente ang tungkol sa kanilang mga problema at tumanggap ng medikal na paggagamot. Sa maraming kaso, ang mga pasyente ay aktibong nakikibahagi sa pagpaplano ng sarili nilang pagpapagamot. Sa maraming psychiatric hospital posibleng matanggap sa isang pribadong ward. Ang mga psychiatric hospital ay may mga bukas at saradong ward.
Sapilitang pagpapa-ospital
Ang mga taong nakakaranas ng matinding sakit sa pag-iisp at nagiging panganib na sa kanilang sarili o sa iba pa ay dapat ipasok sa isang psychiatric ward. Kung ang tao ay tumanggi, maaari siyang ipasok kung sa palagay ng doktor ay kinakailangan ito. Ang sapilitang pagpapa-ospital ay laging ginagawa sa mga saradong ward.
Pangangalaga sa ngipin
Pangangalaga sa ngipin para sa mga bata
Libreng pangangalaga sa ngipin mula edad 0 hanggang 18
Lahat ng bata sa Denmark ay may-karapatan sa libreng pangangalaga sa ngipin mula sa edad 0 hanggang 18. Sila ay magpupunta sa mga regular na check-up sa ngipin. Dito, natututunan nila kung paano alagaan ang kanilang ngipin, at ang kanilang ngipin ay ginagamot at itinatama kung saan kailangan.
Pangalagaan ang milk teeth
Ang iyong anak ay papupuntahin para sa isang dental appointment bago mag-edad na dalawa. Bagamat wala pang ngipin ang bata, magandang ideya pa rin ang ituloy ang appointment. At bagamat malalaglag ang milk teeth sa mga unang taon ng bata, dapat mo pa rin pangalagaan ang mga ito habang naroroon sila. Kung hindi nanganganib kang masira ang permanenteng ngipin na susunod.
Maraming munisipal na awtoridad ang may mga dental clinic na kasapi ng mga paaralan. Ang ilang mas maliliit na awtoridad ay may kasunduan sa isang pribadong dentista. Ngunit kahit dito man, ang pangangalaga sa ngipin ng bata ay libre.
Pangangalaga sa ngipin sa paaralan
Kapag nagsimulang mag-aral ang iyong anak, siya ay awtomatikong tatawagin para sa isang check-up sa ngipin. Ang mga dental healthcare worker ay nagpupunta rin sa mga paaralan upang turuan ang mga bata kung paano pangalagaan ang kanilang mga ngipin.
Magandang ideya para sa mga magulang na samahan ang mga bata sa dentista habang maliliit pa ang mga ito. Kung ang bata ay nangangailangan ng malaking gamutan, ang mga magulang ay dapat munang konsultahin.
Pangangalaga sa ngipin ng may-gulang
Hanapin ang iyong pribadong dentista
Ang mga may-gulang na lagpas sa edad na 18 ay dapat humanap ng sarili nilang pribadong dentista, halimbawa, sa paghanap sa lokal na telephone directory. Kailangan mong magbayad para sa mga check-up at pagpapagamot, ngunit babayaran ng estado ang isang bahagi ng halaga. Ang halagang ito ay awtomatikong kinakaltas mula sa iyong bill.
Kung ikaw ay may pribadong insurance sa kalusugan, maaari kang kumuha ng karagdagang tulong pinansyal para bayaran ang regular at espesyal na pagpapagamot o malalaking operasyon sa ngipin.
Regular na pumunta sa iyong dentista
Magandang ideya na regular na pumunta sa iyong dentista at hindi lang kapag mayroong kang problema sa ngipin. Maaaring may matuklasang butas ang iyong dentista bago ito magsimulang magdulot ng sakit. At ang pagpapagamot ay hindi magiging kumplikado at mahal. Dapat kang makipag-usap sa iyong dentista tungkol sa kung gaaano ka kadalas dapat pumunta sa mga check-up.
Makipag-appointment
Dapat kang makipag-appointment at dumating sa takdang oras. Kung nais mong pumunta sa mga regular na check-up, padadalhan ka ng iyong dentista ng isang paalala na may appointment para sa iyong susunod na check-up.
Pangangalaga sa ngipin para sa mga taong may-kapansanan sa katawan at pag-iisip
Ang mga munisipal na awtoridad ay nagbibigay ng pangangalaga sa ngipin para sa mga taong may malalang kapansanan sa katawan at pag-iisip. At ang estado ang nagbabayad sa malaking bahagi ng halaga.
Sa labas ng normal na oras ng dentista
Kung nakaranas ka ng matinding pagsakit ng ngipin sa labas ng normal na oras ng dentista, maaari kang pumunta sa isang 24-oras na dental emergency service. Matatagpuan mong nakalista ang numero sa iyong lokal na telephone directory.
Medisina
Mayroon at walang reseta
Ang ilang uri ng gamot ay mabibili lamang na may resetang medikal. Ang iba ay mabibili na walang reseta. Sa botika ay mabibili mo ang lahat ng klase ng gamot. Ang mga gamot na nangangailangan ng reseta ng doktor ay mabibili lamang sa botika. Ang mga gamot para sa bahagyang sakit ng ulo, sakit ng lalamunan at mga produktong ginawa upang tulungang itigil ng tao ang paninigarilyo ay mabibili rin sa mga supermarket, sa mga grocery store at sa ilang gasolinahan.
Suportadong gamot
Ang estado ay maaaring magbigay ng suporta sa ilang uri ng gamot. Magdedepende ito sa pananalapi ng tao at ang halaga ng gamot na iniinom sa loob ng isang taon. Konsultahin ang iyong doktor o botika.
Malusog na diyeta at ehersisyo
Mahalaga para makaiwas sa sakit
Ang pagkain ay nagbibigay ng lakas at sustansya na kailangan ng katawan para gumana. Kasama sa malusog na diyeta ang maraming prutas at gulay and kaunting dami lamang ng taba at asukal. Ang paggalaw at ehersisyo ay mahalaga para sa malusog na buhay at pag-iwas sa maraming sakit na nakatambad sa atin sa ating modernong lipunan.
Diabetes, sakit sa puso at kanser
Ang mga sakit na gaya ng type 2 na diabetes, alta presyon, sakit sa puso at kanser ay tinatawag na mga lifestyle disease dahil maipapalagay sila sa paraan ng ating pamumuhay. Sa ngayon, mayroon tayong mga makinarya na gumagawa ng karamihan sa mga gawain na dating nangangailangan ng pisikal na pagtatrabaho. Karamihan sa mga tao ay may mga trabaho kung saan sila ay nakaupo sa halos buong araw at nangangailangan ng pagmamaneho patungo at mula sa trabaho. Maraming tao ang palaging abala at mas madali para sa kanila ang bumili ng mga lutong pagkain sa halip na magluto ng kanilang sariling masustansyang pagkain.
Nanganganib
Mga pagkain na nagtataglay ng sobrang taba o asukal, kakaunting pisikal na aktibidad, sobrang paninigarilyo at sobrang pag-inom ng alak ay nagdadagdag sa panganib ng mga lifetsyle disease. Ang genes ay may bahagi rin na ginagampanan. Kung ang iyong mga magulang o mga kapatid ay may type 2 na diabetes, halimbawa, nanganganib ka rin na makuha ang sakit. Sa gayon ay dapat na lagi mong tandaan ang pagkain ng masustansyang pagkain at pag-eehersisyo.
Mabuting payo tungkol sa kalusugan
Marami kang magagawa para mabawasan ang panganib na magkaroon ng lifestyle disease. Magkaroon ng malusog na pamumuhay. Ang ibig sabihin nito ay: huwag manigarilyo, uminom ng alak na kaunti lamang at sundin ang walong tip mula sa Danish na mga awtoridad sa kalusugan. Ang walong tip ay nakalista rito:
Kumain ng mga prutas at gulay - kahit na 600 gramo sa isang araw.
Kung kakain ka ng kahit na 600 gramo ng prutas at gulay sa isang araw, mababawasan mo ang panganib na pagkakaroon ng sakit sa puso, diabetes at kanser. Kung kakain ka ng mansanas, orange, saging at carrot araw-araw at kung gumagamit ka ng mga gulay sa iyong mainit na pagkain, madali kang makakakain ng 600 gramo sa isang araw. Ang mga nut at pinatuyong prutas ay maaari rin isama.
Kumain ng isda at mga produktong isda - ilang beses sa isang linggo
Ang isda ay masustansya dahil ito ay nagtataglay ng mantika ng isda, vitamin D at selenium. Ang karamihan sa iba pang pagkain ay kakaunti ang tinataglay na ganitong mga sangkap. Maaari kang kumain ng lutong isda, bilang panimula o sa mga sandwich. Maaari ka rin kumain ng tunsoy, makerel o nakalatang tuna, halimbawa.
Kumain ng patatas, kanin, couscous o pasta - bawat araw
Ang tinapay, harina at mga produktong mais ay masustansya at nagtataglay ng kaunting taba. Ang mga whole-grain bread at oatmeal ay talagang masustansya dahil nagtataglay ang mga ito ng maraming fiber at vitamin B. Piliin ang tinapay na nagtataglay ng kaunting asukal at rye bread sa halip na white bread. Ang white bread ay nagtataglay ng mas kaunting fiber at sa gayon ay mas hindi nakakabusog kaysa sa mas magaspang na tinapay.
Kumain lamang ng kaunting asukal - lalo na sa mga soft drink at cake
Ang matatamis na pagkain ay nagtataglay ng napakaraming calorie at napakakaunting masusustansyang sangkap. Ang napakaraming matatamis na pagkain ay nag-iiwan ng kaunting lugar para sa masusustansyang pagkain.
Kumain lamang ng kaunting taba - lalo na sa mga produktong gatas at karne
Kailangan ng iyong katawan ang taba ngunit hindi ang sobra nito. Pinakamabuting gumamit ng plant oil at bawasan ang iyong pagkain ng taba ng hayop. Piliin ang mga payat na karne at alisin ang sobrang nakikitang taba. Piliin ang low-fat milk, yoghurt at keso.
Kumain ng iba-ibang pagkain - at panatilihin ang iyong normal na timbang
Kumain ng iba't-ibang uri ng tinapay, prutas, gulay, karne at mga produktong gatas araw-araw. Ito ang magbibigay sa iyo ng lahat ng bitamina at mineral na kailangan ng iyong katawan. Kung tumaas ang iyong timbang, kumain nang mas kaunti at mag-ehersisyo pa. Mas madaling panatilihin ang iyong timbang kung aktibo ang iyong katawan araw-araw.
Tighawin sa tubig ang iyong uhaw
Kailangan ng iyong katawan ang mula 1 at 1½ litro ng tubig araw-araw. Ang ordinaryong tubig ay pinakamabuti dahil tinitighaw nito ang iyong uhaw at hindi nagtataglay ng calorie.
Manatiling pisikal na aktibo - kahit na 30 minuto sa isang araw
Gamitin ang hagdan, maglakad. Kailangan ng iyong katawan ng 30 minuto na araw-araw na pag-eehersisyo. At mabuting ideya na maglaro ng sport minsan o ilang beses sa isang linggo. Ang mga bata ay dapat manatiling aktibo ng kahit isang oras araw-araw. Lahat ng uri ng pisikal na aktibidad ay mabuti para sa mga bata at mga may-gulang, bata at matanda. Ito ay mabuti para sa iyong katawan at pangkalahatang pag-uugali, at ginagawa nitong mas madali ang pagpapanatili ng iyong tamang timbang.
Alamin ang iba pa sa pag-log sa www.altomkost.dk at www.helse.dk.
Mga supplement sa diyeta
Vitamin D
Kung maitim ang iyong balat, manatili sa loob ng bahay sa halos buong araw o tiyakin na ang iyong balat ay natatakpan upang hindi ito maarawan ng husto, kailangan mong uminom ng vitamin D supplement. Kailangan mong uminom ng supplement na 10 microgram sa isang araw. Magtanong sa iyong botika kung ano ang pinakamabuting paraan para matugunan ang iyong pangangailangan ng vitamin D. Ang mga sanggol at maliliit na bata ay dapat bigyan ng vitamin D drops. Magtanong sa iyong bisitang pangkalusugan.
Ang katawan ay gumagawa ng sarili nitong supply ng vitamin D kapag ang balat ay naarawan. Subalit kung palagi ka sa loob ng bahay o sa lilim, magiging mas mahirap para sa iyong katawan ang paggawa ng vitamin D, at iilang pagkain lamang ang nagtataglay ng bitaminang ito. Kung ang iyong katawan ay kinulang sa vitamin D, maaari kang makaranas ng pananakit ng iyong mga braso at binti at panghihina ng mga kalamnan.
Calcium
Kung hindi ka nakakainom ng sapat na gatas o nakakakain ng sapat na produktong gatas kailangan mong uminom ng dagdag na calcium, na nasa pagitan ng 500 at 1000 gramo sa isang araw.