1 Heograpiya at populasyon
Karamihan ay nakatira sa mga bayan
Limang milyong katao
Ang populasyon ng Denmark ay halos lampas lang sa 5.4 milyong katao. Otsenta'y singko porsiyento ang nakatira sa mga lungsod. Halos 1.6 milyong katao ang nakatira sa kabisera, Copenhagen, at sa bahagi ng Greater Copenhagen. Sa populasyon na humigit-kumulang 300,000, Århus ang pangalawang pinakamalaking lungsod ng Denmark. Danish ang salitang wika sa buong bansa. Humigit-kumulang 270,000 katao, 5% ng populasyon, ay mga dayuhan - lalo na yung mga galing sa mga bansang Nordic, Central Europe, North America, Middle East, Southern Asia at Africa.
Maraming isla
Ang Denmark ay binubuo ng Jutland peninsula kasama ang 406 na isla. Ang dalawang pinakamalalaking isla ay Zealand at Funen. Karamihan sa mga natitirang isla ay maliliit na may ilang naninirahan.
Ang kabisera, ang Copenhagen, ang pinakamalaking lungsod at matatagpuan sa Zealand. Sa Jutland, ang pinakamalalaking lungsod ay Århus, Aalborg at Esbjerg. Ang Odense ang pinakamalaking lungsod sa Funen. Karamihan sa mga lugar sa Denmark ay matatagpuan malapit sa baybay. Ang Denmark ay may humigit-kumulang 7,300 kilometro ng baybayin-dagat. Walang bundok ang Denmark, ang pinakamataas na tuktok ay 173 metro sa itaas ng level ng dagat. Ang malaking bahagi ng lupain ay sinasaka.
Ang Denmark ay may malawak na network ng daan at riles. Ang mga tren at bus ay nagbibigay daan sa mga bumibyahe na maglakbay sa bansa halos buong araw at gabi. Ang mga ferry ay nagbibigay transportasyon sa maraming isla. May sistema ng mga tulay na nag-uugnay sa Jutland, Funen at Zealand. At may tulay na nag-uugnay sa Copenhagen at Malmö sa Sweden.
Bahagi ng rehiyong Nordic
Ang Greenland at Faroe Islands ay bahagi ng Kingdom of Denmark* ngunit may sariling gobyerno. Nangangahulugan na ang mga populasyong ito ay mga mamamayang Danish na naghahalal ng mga kinatawan sa Danish Parliament* sa Denmark dagdag pa sa sarili nilang demokratikong asembliya.
Ang Denmark ay bahagi ng rehiyong Nordic. Ang limang Nordic na bansa ay Denmark, Sweden, Norway, Finland at Iceland, kasama ang mga teritoryo ng Greenland na may sariling gobyerno, ang Faroe Islands at Åland. Ang Denmark ay kasapi ng European Union (ang EU*).

Ang lupain ng mga bisikleta
Ang Denmark ay isa sa mga bansa sa mundo na may pinakamaraming siklista. Sa rush-hour traffic ng lungsod, makakakita ka ng malaking bilang ng siklista - mga magulang na naghahatid ng mga anak - patungo at mula sa kanilang trabaho, mga yaya at mga nursery.